Programa para sa selebrasyon ng P’que Cityhood, plantsado na

Programa para sa selebrasyon ng P’que Cityhood, plantsado na

January 28, 2023 @ 1:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Iba’t ibang programa at proyekto ang inihanda ng lokal na pamahalaan ng Parañaque para sa selebrasyon ng ika-25 Cityhood Anniversary ng lungsod sa Pebrero 13.

Sinabi ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez, ang selebrasyon ng anibersaryo ng lungsod ay sinimulan ng presentasyon ng mga kandidato ng “Gandang Mamita and Gwapitong Papito 2023” kasama ang kanilang mga “Mama Bears” kung saan ang mga kandidato sa naturang patimpalak ay mga senior citizens mula sa 16 na barangay sa buong lungsod.

Samantala, para naman sa mga magagandang babae at gwapong kalalakihan sa lungsod ay inaanyayahan na lumahok sa “Ginoo and Binibining Parañaque 2023”.

Bukod sa programang beauty pageants ay naghanda din ang lokal na pamahalaan ng iba’t ibang uri ng aktibidad para mapasaya ang mga residente sa selebrasyon ng anibersayo sa lungsod.

Ayon kay Olivarez, ang iba pang mga aktibidad na nakalinya para sa selebrasyon ng anibersaryo ng lungsod ay ang pagsasagawa ng academic quiz bee sa Parañaque City College (PCC) na gaganapin sa Pebrero 3, Parañaque Liberation Day na magaganap sa Pebrero 4 habang ang Fun Run at Zumba ay nakatakdang isagawa sa Manila Memorial Park sa darating na Pebrero5.

Magkakaroon naman ng thanksgiving mass bago ang flag raising ceremony sa Pebrero 6 kasabay ng pagbubukas ng coop tiangge sa city hall grounds habang ang Sunduan Dolls Contest and Exhibit at ang Sunduan Dress Fashion show na isasagawa rin sa kaparehong petsa ay magaganap sa Ayala Malls Manila Bay.

Sinabi ni Olivarez na ang drum and lyre competition gayundin ang mega job fair ay magaganap sa Pebrero 7 sa Ayala Malls Manila Bay habang sa Pebrero 8 naman iperepresenta ang Lauya flavors ng Parañaque sa SM Bicutan.

Sa Pebrero 9 nakatakdang isagawa ang “Kasalang Bayan” sa Parañaque Sports Complex at pagsapit ng alas-4 ng hapon naman ay matutunghayan ang Komedya ng San Dionisio sa SM BF.

Nakatakda namang bendisyunan sa Pebrero 10 ang Ospital ng Parañaque 2 habang ang awarding ng outstanding taxpayers at ang Natatanging Parañaqueño testimonial dinner and serenade ay magaganap sa East Ocean Palace.

Ang coronation night ng “Gandang Mamita and Gwapitong Papito 2023” pati na rin ng “Ginoo and Binibining Parañaque 2023” ay magaganap sa Parañaque Sports Complex sa Pebrero 11.

Magkakaroon din ng “Sayaw ng Pagbati” dance presentation at folk dance competition sa SM Sucat sa Pebrero 12 at SM Sucat at pagsapit ng gabi ay masusundan ito fireworks display.

Sinabi pa ni Olivarez na sa mismong araw ng 25th cityhood anniversary ay gaganapin ang aktibidad ng Grand Sunduan sa St. Andrews Cathedral sa Barangay La Huerta na masusundan naman ng pagsasagawa ng konsiyerto sa Parañaque City Hall grounds. James I. Catapusan