Programa sa mga healthcare workers sa ibang bansa, pinag-uusapan na ng DOH, DMW

Programa sa mga healthcare workers sa ibang bansa, pinag-uusapan na ng DOH, DMW

November 25, 2022 @ 3:36 PM 5 days ago


MANILA, Philippines – Nakikipag-usap na ang Deparment of Health (DOH) sa Department of Migrant Workers (DMW) para sa posibleng palitan ng programa sa mga bansang nangangailangan ng healthcare workers.

Ang usapin ay tinalakay sa pulong kasama ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr at healthcare cluster ng Private Sector Advisory Council (PSAC) kung saan inulit ng Chief Executive ang pangangailangang magbigay ng scholarship para sa mga nars at iba pang medical personnel.

Iminungkahi naman ng DOH na kung maibibigay ang numero na kanilang kakailanganin ay dapat magbigay din sila sa ahensya gaya ng mga scholarships para sa mga healthcare workers dito sa Pilipinas.

Sinabi ni Vergeire na ang mga bagong graduates ay kailangang manatili sa Pilipinas ng dalawang taon bago sila ma-deploy sa ibang bansa.

Ayon pa sa health OIC, bahagi ng plano ng DMW ay upang makakuha ng mga kasunduan sa mga bilateral partners ng bansa upang magbigay ng mga pondo sa mga scholarship sa bansa.

Una nang sinabi ng Pangulo na ang mga nars sa Pilipinas ay hindi mapipigilang mangibang-bansa dahil sa mataas na sweldo sa abroad ngunit dapat aniyang magserbisyo muna sila sa bansa kapag nakakuha sila ng scholarship program ng gobyerno.

Kaugnay nito, sinabi ni Vergeire na nakikipag-usap na rin ang DOH kasama sa mga dean ng University of the Philippines at iba pang katuwang na healthcare services para sa “ladderized” scholarship program ng gobyerno.

Nagpahayag naman ng pangako ang PSAC na tutulungan ang administrasyon sa pagpapabuti ng sisteman pangkalusugan partikular sa pagpapalakas ng Philippine Health Insurace Corporation (Philhealth) sa pagbibigay ng third-party assessment na tututok sa pagtugon sa operational gaps sa paghahain ng claims, membership application, digitalization at actuarial valuation bukod sa iba pa.

Nangako rin ito na makikipagtulungan sa Food and Drug Administration na para palakasin ang mga sistema nito para makakuha ng akreditasyon sa ibat-ibang international regulatory body at itaas ang kamalayan tungkol sa halaga ng mga generic drugs. Jocelyn Tabangcura-Domenden