Programa vs fake news ilalatag ng Malakanyang

Programa vs fake news ilalatag ng Malakanyang

October 12, 2022 @ 3:21 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inilatag ng Malakanyang ang mga programa nito kontra fake news.

Ang pahayag na ito ni Office of the Press Secretary Officer-in-Charge (OIC) Undersecretary Atty. Cheloy Velicaria-Garafil ay bilang tugon sa Pulse Asia survey na nagpapakita na 90% ng mga Filipino ang exposed sa fake political news.

“Ito po ay isang seryosong bagay na tututukan ng OPS. Kaya nga ngayon meron kaming mga programa na ile-lay down in the coming days… kasi gusto rin talaga natin na ma-address itong mga problema ng fake news,” ani Velicaria-Garafil sa press briefing sa Malakanyang.

Ang resulta ng survey na isinagawa sa pagitan ng Setyembre 17 hanggang 21 ay nagpapakita na 86% ng mga Filipino ay naniniwala na ang maling balita o fake news ay problema sa bansa.

Samantala, 58% ng mga respondents ang nagsabi na ang social media influencers, bloggers, at o mga vloggers ang “top peddlers” ng fake news tungkol sa gobyerno at politika, sinundan ng mga mamahayag na may 40%, at national level politicians na may 37%.

Sa ngayon, patuloy na pinag-aaralan ng Office of the Press Secretary (OPS) ang akreditasyon ng mga vloggers na nagnanais na mag-cover sa Malakanyang.

Sa isinagawang Senate budget hearing para sa panukalang P1.04 bilyong budget ng OPS para sa fiscal year 2023, tinanong ni Senador JV Ejercito si Velicaria-Garafil kung itutuloy pa rin ang planong pag-accredit ng mga vloggers.

“Talagang isa sa mga integral part ng program ng past PCOO, would we still accredit, mayroon pa ba tayong i-a-accredit na mga bloggers, vloggers? During the time of PCOO Secretary Martin Andanar and also this was brought by erstwhile Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, would you still continue, Atty. Cheloy?” ang tanong ni Ejercito.

Ang naging tugon naman ni Velicaria-Garafil ay nagpapatuloy ang pag-aaral sa bagay na ito.

“Tama po kayo, nag-umpisa po ito last administration, pinagpatuloy po siya ng dating Secretary Trixie Angeles, ngayon po we will continue to conduct a study and evaluate kung pupuwede po sila maaccredit po sa pagcocover po sa Malacañang. Ongoing pa po study nito,” ayon kay Velicaria-Garafil.

Muling tinanong ni Ejercito si Velicaria-Garafil kung mabibigyan ba ang vloggers ng kahalintulad na access gaya sa traditional media, sabay sabing ang “accountability” ay mahalaga sa panahon ng coverage.

“Mr. Chair, kasama po ‘yan sa ating ine-evaluate. So in time we will issue guidelines on how these can be done,” ang wika ni Velicaria-Garafil.

Aniya pa, hihingi sila ng patnubay mula sa ibang sektor ukol sa bagay na ito.

Matatandaang sinabi ni dating Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na balak gamiting batayan o panukat ng papasok na pinuno ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang mataas na pakikipag-ugnayan at ang bilang ng mga tagasunod upang payagan ang isang vlogger na ma-cover ang Palasyo ng Malacañang.

Ani Cruz-Angeles, sinusuri nilang mabuti ang vlogger accreditation policy ng Malacañang, na inilagay sa ilalim ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Tinitingnan din ang “engagements” o reaksiyon ng mga tao sa sinusulat o ipinapakita ng isang vlogger.

Magkaiba rin aniya ang ‘following’ at ang engagements.

Pinag-aaralan din kung isasama sa mga regular na miyembro ng Malacañang Press Corps o kaya ay magkaroon ng ibang events para sa mga vloggers. Kris Jose