Proklamasyon ng 12 waging senador, partial party-lists ikakasa sa Martes

Proklamasyon ng 12 waging senador, partial party-lists ikakasa sa Martes

May 15, 2022 @ 1:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sinisilip ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-proklama sa 12 waging senador at partial winning party-list groups para sa Halalan 2022 sa Martes, ayon kay poll Commissioner George Garcia nitong Linggo.

Ipinaliwanag ni Garcia na kapag na-canvass ang mga natitirang Certificates of Canvass (COCs) ngayong araw, ikakasa na ang preparasyon sa proklamasyon sa Lunes.

Na-canvass na ang 149 sa 173  COCs hanggang nitong Sabado. Ang 24 na natitirang COCs ay binubuo ng 19 manual overseas COCs, isang manual COC mula sa Vulnerable Sector Office, isang manual COCs mula sa 63 barangay, at isang electronic COC mula sa Lanao del Sur, isang electronic overseas COC mula Hong Kong, at isang electronic COC galing sa Jordan.

Subalit iginiit ni Garcia na hindi darating ngayong Linggo lahat ng COCs dahil magsasagawa pa ng special election sa Lanao del Sur na target sa Mayo 24, matapos ideklara ang failure of elections sa 14 barangay.

“Anytime sa pagtingin namin ay sapat na ‘yung bilang ng mga boto na nakuha ng mga kanididato at hindi na makakaapekto ‘yung mga natitirang result kahit na hindi pa napapadala ang COC, puwede po kaming magkaroon ng proklamasyon kasama ‘yung party-list,” aniya.

“Ayaw po natin na may maiiwan pa dito. Mas maganda na isang proklamasyon na lang. Halimbawa, lahat ng senador tapos magproklama din tayo sa party-lists. It may be possible na hindi lahat ng party-lists ay maproklama kung may matitira pa,” aniya pa. RNT/SA