Proklamasyon sa winning partylists target sa May 26 o 27

Proklamasyon sa winning partylists target sa May 26 o 27

May 24, 2022 @ 6:16 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inaasahang maipoproklama na ng Commission on Elections ang mga nanalong party-list groups sa Huwebes, Mayo 26 o sa Biyernes, Mayo 27.

Paliwanag ni acting Commission Spokesperson Rex Laudiangco, ikinokonsidera ng Comelec ang “time frame” para sa transmission at canvassing ng mga resulta oras na matapos ang special elections sa Tubaran, Lanao del Sur mamayang gabi.

Pagkatapos ng naturang halalan, ipapadala at ika-canvass ng municipal board of canvassers ang mga resulta na siya namang ipapadala sa provincial board of canvassers ng Lanao del Sur.

Inaasahang matatanggap ng poll body ang certificate of canvass mula sa provincial board of canvassers bukas, Mayo 25.

Sunod itong ipo-proseso ng national board of canvassers, at ng iba pang mga concerned committees at mga grupo.

Gagamitin nila ang formula ng Supreme Court para madetermina ang mga winning partylist saka lalagda ng resolusyon hinggil dito.

Ayon kay Laudiangco, target nil ana maiproklama ang lahat ng 63 winning partylists kung hindi makakaapekto ang natitirang 1,900 mga boto mula sa Shanghai, China.

Samantala, kinumpirma rin ng opisyal na marami nang party-list groupd ang naghain ng petisyon para palitan ang kanilang mga nominee.

Ito ay dahil sa mga kaso ng withdrawal, substitution at pagkamatay ng nominado. JCM/ Jocelyn Tabangcura-Domenden