PROSTITUSYON NG MGA BATA SA PINAS AT HUMAN RIGHTS

PROSTITUSYON NG MGA BATA SA PINAS AT HUMAN RIGHTS

December 1, 2022 @ 11:53 AM 2 months ago


DALAWANG United Nations Human Rights Council rapporteur ang natokahang bumisita sa Pilipinas para alamin ang kalagayang karapatang pantao sa Pilipinas.

Ang isa, si Mama Fatima Singhateh, ng bansang Gambia, ay dumating na rito nitong Nobyembre 28 at magtatapos sa Disyembre 8, 2022 ang pag-aaral o pag-iimbestiga nito sa prostitusyon, pornograpiya at pang-aabusong sekswal sa mga batang Pinoy, babae man o lalaki.

Sa susunod na taon naman darating si Irene Khan para alamin ang kalagayan sa kalayaan sa pamamahayag at opinyon sa bansa.

Itong si Singhateh ay kababayan ni Gambia ex-Secretary of Justice  Fatou Bensouda na wala nang ginawa bago magretiro na prosecutor ng International Criminal Court kundi piliting iharap sa ICC si dating Pangulong Digong Duterte dahil sa akusasyon nitong may mga extrajudicial killing sa giyera sa droga.

Habang nagaganap ito, mga Bro, sumambulat ang pagpatay sa anak ni Bensouda ng isang kilalang sangkot sa droga.

Ang anak ni Bensouda ay hinuli na rin noon sa pagdadala ng droga sa loob ng korte habang nililitis ito sa kasong pamamaril na kinasangkutan nito.

Ito namang si Khan na dating miyembro ng Amnesty International ay nagpupuyos ang damdamin sa pagsisigaw na ipawalambisa ang kasong libelo laban kay Maria Ressa ng Rappler.

Napatunayang guilty sa cyber libel si Ressa ni Judge Rainelda Montea ng Manila Regional Trial Court Branch 46 noong Hunyo 2020.

Sinasabi ng Commission on Human Rights sa Pilipinas na obhetibo at walang masamang tinapay ang dalawa sa pagdalaw at pag-iimbestiga pero malalaman sa mga susunod na araw kung ano ang iuulat nila.

PROSTITUSYON, PORNOGRAPIYA, PANG-AABUSONG SEKSWAL

Matagal nang problema ang prostitusyon sa mga batang Pinoy, lalo na ang hanay ng kababaihan.

Saksi mismo ang REMATE sa prostitusyon na sistematiko na naganap sa dating mga base militar ng mga Amerikano sa Subic Naval Base at Clark Air Base.

Noong nagkakrisis ang industriyang asukal dahil sa pagliit ng 40 porsyento ng importasyon ng Amerika ng Philippine sugar noong 1984, lalo na sa Negros, anak ng tokwa, ang daming batang Negrense ang dinala sa Subic at Angeles para ibenta ng mga recruiter at mga ina o kamag-anak ng mga bata.

Naging pangunahing suki ang mga Amerikano at iba pang lahi na miyembro puwersang militar ng United States.

Para mabuhay, magkaroon ng pagkain at iba pang batayang pangangailangan ang layunin ng pagbebenta ng mga bata sa industriyang sex.

Nakalulungkot ngang malaman na pinuputakti ng mga dayuhan ang kainosentehan ng mga bata.

Palagi namang kakambal lagi ang prostitusyon ng industriyang turismo na mga dayuhan pa rin ang aktibong nagsasamantala.

At lumala ito sa paggala ng mga pedophile na dayuhan at pagsulpot ng malayang pamumuhay ng mga gutom sa laman para sa lalaki at lalaking relasyon.

Dito na rin sumulpot ang pornograpiya na puno ng mga pang-aabusong sekswal.

Paano ngayon makatutulong ang human rights rapporteur sa pagsugpo sa prostitusyon, pornograpiya at pang-aabusong sekswal sa mga kabataang Pinoy?