Proteksyon ng seniors vs text scams, ‘budol-budol’ ikinasa sa Senado

Proteksyon ng seniors vs text scams, ‘budol-budol’ ikinasa sa Senado

August 28, 2022 @ 1:30 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Bunsod ng patuloy na paglaganap ng mga cybercrimes na umabot sa nakakaalarmang 100 porsiyento na pagtaas noong kasagsagan ng COVID-19 pandemya at nambibiktima ng mga retiradong senior citizen, isinusulong ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang panukalang batas upang maprotektahan sila laban sa anumang uri ng scam.

“Walang manloloko kung walang magpapaloko. At walang mabibiktima kung sila ay may alam sa mga istilo ng mga scammers,” ayon kay Estrada sa panukalang Senate Bill No. 671.

Aniya, naglalayon ang panukala na magkaroon ng isang inter-agency centralized service upang masawata ang mga scammers na maisakatuparan ang kanilang modus sa pamamagitan ng pagpapakalat sa tuwi-tuwina ng mga impormasyon sa mga naglipanang ilegal na gawain sa senior citizen at kanilang pamilya kabilang ang kanilang caregivers.

Binigyang-diin ni Estrada ang halaga ng pagkakaroon ng batas para mapangalagaan ang mga sektor na kadalasang nabibiktima ng mga kawatan dahil sa kawalan ng sapat na kaalaman sa teknolohiya na sinasamantala ng sindikato gamit ang social media at iba pang online platforms.

Sa ilalim ng tinatawag na SBN 671 o Senior Citizens’ Fraud Education Act, ang Department of Trade and Industry (DTI) ang siyang magiging lead agency at susuportahan ito ng Departments of Justice (DOJ) at Health (DOH), at ng Philippine Postal Corporation.

Ang mga nasabing ahensiya ang siyang gagawa at magpapakalat ng impormasyon ukol sa mga iba’t ibang paraan ng pagsusumbong at pagrereklamo ng mga scam sa pamamagitan ng mail, telemarketing at internet.

Oobligahin din ang DTI na makipag-ugnayan at makipagtulungan sa National Commission of Senior Citizens at Office of Senior Citizens Affairs (OSCA) sa pagsasagawa ng information dissemination campaigns, at sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Securities and Exchange Commission (SEC), Insurance Commission (IC), National Telecommunications Commission (NTC), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP) sa pagbunyag ng iba’t ibang uri ng mga scam at cybercrimes.

Magkakaroon rin ng isang website para makapagbigay ng mga kinakailangang impormasyon upang makatulong ang mamamayan sa pagtukoy ng mga scam na may kaugnayan sa mga financial products and services, mga instrumento sa pagpapautang at pamumuhunan, mga produkto ng insurance, text scams at iba pang mapanlinlang na aktibidad. Ernie Reyes