Proteksyon sa human rights defenders tinutulan ng NTF-ELCAC

Proteksyon sa human rights defenders tinutulan ng NTF-ELCAC

March 13, 2023 @ 3:36 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Tinutulan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang panukalang proteksyon sa mga human rights defenders na isinusulong ngayon sa Kamara.

Ang naturang panukala ay ang inihaing House Bill (HB) No. 77 o ang “Human Rights Defenders’ Protection Act” (HRDPA).

Sa pahayag, sinabi ng NTF-ELCAC na ang naturang panukala ay “grave, vicious, and insidious threat” laban sa demokrasya.

“The NTF-ELCAC, through its Legal Cooperation Cluster, therefore, calls on all Filipinos to unequivocally reject HB No. 77 and to enjoin their District Representatives to junk the said Bill on sight, upon its introduction in the plenary for its Second Reading,” pahayag pa ng task force.

Anila, ang panukalang ito ay mag-aalis ng pangil sa naipasang mga batas kontra terorismo katulad ng Anti-Terrorism Act, Anti-Money Laundering Law na inamyendahan, at ang Terrorism Financing Prevention and Suppression Act.

Ngayong buwan lamang ay inihain sa Kamara ang HB No. 77 kung saan tinukoy nito na ang “human rights defenders” ay sinumang indibidwal o asosasyon na layong magprotekta at sumuporta sa panawagan sa proteksyon ng karapatang pantao sa lokal, nasyonal, regional at international levels.

Binibigyang mandato ng panukalang ito na igalang, suportahan at protektahan ng pamahalaan ang karapatan ng mga human rights defenders, kasabay ng pagsisiguro na mapoprotektahan ang mga ito laban sa anumang uri ng intimidation.

Kasama rin sa ipagbabawal ng HB No. 77 ang pagtawag sa sinumang indibidwal ng mga katagang “reds”, “communists”, “terrorists”, o “enemies of the state”.

Dahil dito, naniniwala ang NTF-ELCAC na may hindi mabuting dulot ang panukalang ito.

“The Bill seeks to create ‘sanctuaries’ that virtually makes the [communist terrorist group] beyond the reach of law enforces, which are in direct contrast with the unequivocal language of the aforesaid UN Resolution that it does not create new rights but instead merely articulates existing rights,” anang NTF-ELCAC.

Pinuna rin nila ang malawak na depinisyon ng “human right defenders” sa panukala.

Bilang pagtatapos, sinabi pa ng NTF-ELCAC na pipilayan ng panukalang ito ang mga programa ng pamahalaan na nagpapaigting sa information at education campaign, maging ang expanded Barangay Development Program (BDP), laban sa insurgency. RNT/JGC