Proteksyon sa mamimili vs unhealthy instant noodles sakop ng DTI

Proteksyon sa mamimili vs unhealthy instant noodles sakop ng DTI

October 18, 2022 @ 12:52 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – SAKOP ng mandato ng Department of Trade and Industry (DTI) ang lahat na makapagbibigay proteksyon sa kapakanan ng mga mamimili, kabilang na ang pagsisiyasat sa unhealthy instant noodles.

Sa idinaos na budget hearing, araw ng Lunes, hiniling ni Senador Raffy Tulfo sa DTI na tulungan ang ibang ahensiya ng gobyerno na tiyakin na ang food products na ibinebenta sa publiko ay ligtas gaya ng instant noodle products na may mataas na sodium content.

“I-refer ninyo po. Maging concerned din po kayo kahit na ‘di po responsibilidad ninyo,” ang winika ni Tulfo kay DTI Secretary Alfredo Pascual.

Sinabi naman ni Pascual na ire-refer niya ang nasabing usapin sa Department of Health (DOH).

Nakasaad sa Republic Act (RA) 10611 o Food Safety Act na ang DOH at Department of Agriculture ay kapuwa may mandato na i- assess ang panganib ng food at agricultural products na available sa pamilihan.

Ayon sa mga eksperto, ang instant noodles ay kadalasang mababa sa “calories, fiber, protein, at micronutrients,” subalit mataas ang “fat, carbohydrates, at sodium.”

Ang regular consumption ng instant noodles ay iniuugnay sa obesity, digestive problems, heart disease, diabetes, at stroke, na naging babala naman ng mga health experts.

Matapos ang budget presentation ng DTI, tinanong si Pascual ni Senador Pia Cayetano para sa feedback ng mga foreign investors, lalo na sa business process outsourcing industry, sa English language proficiency ng mga Filipino.

Tinukoy ni Cayetano ang data mula 2013 hanggang 2020 na ang English proficiency ng mga Filipino ay unti-unting bumaba.

Inamin ni Pascual na nakita ng DTI ang pagbaba lalo na sa hanay ng mga kabataan.

“If you ask us what we’re doing, we are reminding and alerting our educational institutions of the expectations of the foreign investors with respect to the English proficiency of our workers. That’s our advantage and we need to make full use and really develop that advantage further,” ayon kay Pascual.

Ang panukalang budget ng DTI ay P18.149 bilyong piso subalit ang inaprubahan lamang ay P8.442 bilyong piso sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program.

Tiniyak naman ni Subcommittee on Finance chair Senator Mark Villar na ang DTI at ang attached agencies nito ay mayroong episyenteng 2023 budget na epektibong gagamitin para ipatupad ang mga pangunahing programa ng administrasyon.

“It is my hope that the DTI and its attached agencies will achieve its goals and programs as we begin this new administration,” ayon kay Villar. Kris Jose