Proteksyon sa marine ecosystem ng bansa ipinanukala

Proteksyon sa marine ecosystem ng bansa ipinanukala

December 27, 2022 @ 9:36 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Ipinanukala nina Senador Risa Hontiveros at JV Ejercito ang proteksyon ng mga marine ecosystem sa bansa partikular na ang pag-iingat sa tatlong marine species na pating, stingray at chimaeras na patuloy na nababawasan ang dami nito sa bansa.

Sa ilalim ng Senate Bill Nos. 1193 at 1554 ng dalawang Senador, layon nitong magkaroon ng regulasyon sa paghuli, pagbebenta, pagbili, pagmamay-ari, pagbyahe, importasyon at pag-aankgat ng pating, rays at chimaeras.

Sa 200 species ng pating, 25 lamang sa mga ito ang protektado sa pamamagitan ng Convention on the International Trade Endangered Species of Wild Flora and Fauna, ayon sa SB 1554.

“The conservation of sharks, management of their threats, and creation of shark sanctuaries through this bill will serve as an example that can be replicated with other fisheries and wildlife conservation issues in the country,” saad sa explanatory note ng naturang panukala.

Layon din nito na protektahan at ingatan ang marine biodiversity ng bansa at maghanap ng balanse sa pangangailangan ng tao at integridad ng marine ecosystem.

“Despite the lack of understanding on the sharks’ various roles in ecosystems, it is clear that they are key players in structuring food webs, whether they are at the top of the food chain or at lower trophic levels,” saad naman sa SB 1193.

“Sharks are typically depicted as apex predators that have significant top-down effects on food webs. They help keep prey populations healthy by feeding on weak, sick, or old fishes, and prevent overgrazing of critical marine habitats,” pagpapatuloy nito.

Sa ilalim naman ng panukala, ipinagbabawal ang pag-aalaga ng pating maliban kung makapagpakita ng sapat na patunay ng financial at technical capability at facility ang isang indibidwal o entity na makakapag-alaga ito.

Dagdag pa, ipinagbabawal din ang pagpatay, pagbebenta at iba pang mga aktibidad na makapipinsala sa buhay at kapaligiran ng mga pating.

Sa oras na maipatupad, sakop nito ang lahat ng katubigan ng bansa kabilang na ang 200-nautical mile Exclusive Economic Zone at continental shelf, at mga protected areas sa ilalim ng National Integrated Protected Areas System, critical habitats at lahat ng Philippine flagged fishing vessels na nag-ooperate sa mga lugar na pinamamahalaan ng Regional Fisheries Management Organization. RNT/JGC