Proteksyon sa mga OFW, ugnayan sa host countries prayoridad ni PBBM

Proteksyon sa mga OFW, ugnayan sa host countries prayoridad ni PBBM

February 5, 2023 @ 2:31 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nangako si Pangulong  Ferdinand Marcos Jr. na palalakasin ang  partnerships sa mga bansang  nagho-host  ng overseas Filipino workers (OFWs).

Sa kanyang vlog  na ipinalabas, araw ng Sabado, sinabi ni Pangulong Marcos na titiyakin ng gobyerno ng Pilipinas ang proteksyon ng mga OFWs at ng kanilang pamilya bilang pagkilala sa kanilang naging kontribusyon sa bansa.

“Ang tanging maisusukli ko sa inyong hindi matatawarang kontribusyon sa ating lipunan ay masiguro ko ang inyong proteksyon, ang inyong kalagayan, at ang kalagayan ng mga naiwan ninyong pamilya sa ating bansa,” ayon sa Pangulo.

“Ang tanging maisusukli ko ay ang patuloy na pagpapatibay ng ating ugnayan sa mga kinatawan ng bawat bansang kinaroroonan ninyo ganyan ang pakay natin lagi. Gaya noong isang araw tinipon natin ang ambassador ng iba’t ibang bansa sa Palasyo,” dagdag na pahayag nito.

Nauna nang nakipagpulong si Pangulong Marcos  sa mga diplomatic corps para sa tradisyonal na  vin d’honneur na isinagawa sa Malakanyang.

Sinabi pa ng Pangulo na magbibigay ang  national government  ng scholarships at pabahay sa pamilya ng mga OFWs.

“Kung sila ay babalik at naghahanap ng bagong trabaho eh tutulungan natin sila training yung tinatawag na reskilling and upskilling dahil ito yung ibang trabaho na lumalabas na highly technical kaya’t itetraining natin ang ating mga OFW para kaya nila makipag kompetensya sa labor market sa buong mundo,” ang wika nito.

Aniya pa, pagsusumikapan ng pamahalaan na makapagtayo ng malakas na ekonomiya  upang sa gayon ay  maging kaakit-akit ang bansa na tirhan at magtrabaho para sa mga dayuhan at mamamayang filipino.

“Masipag, maasahan, mahusay, magaling makasama, at mag-adjust kung nasaan man sila yan ang Pinoy tinitingala ng ibang lahi at ginagalang sa kanilang mga larangan,” anito. Kris Jose