Protesta ikinasa vs COVID lockdown sa China

Protesta ikinasa vs COVID lockdown sa China

November 27, 2022 @ 1:38 PM 2 months ago


BEIJING, China – Nagkasa na ng malawakang kilos-protesta kontra sa mga COVID-19 lockdown ang mga mamamayan partikular na sa western Xinjiang region at kabisera ng bansa na Beijing.

Biyernes ng gabi, Nobyembre 25 nang dumagsa ang mga tao sa mga kalsada sa Urumqi, Xinjiang sigaw ang mga katagang: “End the lockdown!” makaraang masawi ang ilang residente sa nangyaring sunog kasabay ng napakatagal nang umiiral na lockdown sa lugar.

Kasabay ng sigaw ay kinanta rin ng mga residente ang national anthem ng China na may lyrics na: “Rise up, those who refuse to be slaves!” samantala sumisigaw din ang mga residente na nais nang makalabas ng bahay mula sa lockdown.

Nakumpirma ng Reuters na ang kumalat na viral video ay mula sa Urumqi kung saan nasa apat na milyong residente na ang nagtitiis sa napakahabang lockdown kung saan bawal lumabas ng bahay ang mga residente sa loob na ng 100 araw.

Maliban sa Urumqi, nagkasa rin ng iba’t ibang kilos protesta ang mga residente ng Beijing, China sa paghihigpit sa kanila dahil pa rin sa banta ng COVID-19.

“The Urumqi fire got everyone in the country upset,” ani Sean Li, residente ng Beijing.

Ang naturang mga protesta ay nagresulta sa pagtanggal ng lockdown sa ilang mga compound.

Ayon sa ulat hanggang nitong Sabado ng gabi, Nobyembre 26 ay nasa 10 compound na ang nag-alis ng kani-kanilang lockdown. RNT/JGC