Protesta ng mga taga-Pandi ikakasa

Protesta ng mga taga-Pandi ikakasa

April 25, 2022 @ 3:32 PM 2 months ago


PANDI, Bulacan – Magsasagawa ng kilos-protesta ang ilang benepisyaryo ng Livelihood Assistance Grant sa bayang ito para kondenahin ang pamahalaang bayan pati ang umano’y usad-pagong na imbestigasyon ng National Bureau of Investigation at Presidential Anti-Corruption Commission ukol sa kanilang reklamo sa pagkaltas ng ayuda ng isang kooperatiba.

Ayon sa lider ng grupo na naghain ng sworn complaint noon pang Agosto 23, 2021, kinokondena nila ang ginawang ‘estafa’ at pagtulog sa kanilang reklamo na inihain sa Task Force LAG na binubuo ng NBI at PACC.

Ang Task Force and reresolba sana sa anomalya kaugnayan sa kinaltas na P5000 hanggang P10,000 sa abot 3,500 benipisaryo ng LAG.

Ang Magic 7 Cooperative at mismong LGU sa pangunguna umano ng isang businessman na kilalang madikit sa punong bayan ang tinuturong nasa likod ng scam.

Anila’y labis nilang ikinababahala ang natanggap nilang impormasyon na umano’y may mataas na opisyal ang lumapit sa NBI at PACC upang balewalain na ang reklamong inihain ng mga complainant.

Sa nakalap nilang impormasyon, tinapalan umano ng malaking halaga ng salapi ng isang mataas na opisyal ng Pandi ang NBI upang isarado at aregluhin na ang reklamong inihain ng LAG beneficiaries.

“Ilang buwan na lamang at matatapos na ang termino ni Pangulong Duterte ano pa ang aasahan namin na mareresolba pa ang kaso kung tikom na ang mga opisyal ng NBI at PACC. Ano pa ang mangyayari samin?,” dugtong pa ng lider ng grupo.

Hindi rin umano makunan ng pahayag si Pandi  Municipal Social Worker & Development Officer Erwin Vicente na dapat sumagot at magbigay-linaw sa anomalya dahil sa tanggapan ng DSWD nai-download ang pinamahaging ayuda na umaabot sa halos P70-M na kinaltas ng hanggang P10,000 kada benepisyaryo. RNT