Protesta vs palpak na serbisyo ng Nordeco

Protesta vs palpak na serbisyo ng Nordeco

March 1, 2023 @ 4:51 PM 4 weeks ago


Manila, Philippine – Umabot sa mahigit 3,000 residente ng Island Garden City of Samal ang nagsagawa ng kilos protesta sa tanggapan ng Northern Davao Electric Cooperative Inc. (Nordeco) sa Samal ngayong Miyerkules dahil sa palpak na serbisyo sa lalawigan at sa nasasakupan nitong mga probinsya.

Binigyang-diin ng mga residente na pawang konsyumer ng Nordeco na mula 2016 pa sila nagtitiis sa substandard na serbisyo ng kuryente sa kanilang lalawigan.

Ayon sa mga ralyista na dinaluhan din ng pamahalaang lokal ng Samal, nawawalan sila ng kuryente mula apat hanggang limang beses sa loob ng isang araw kaya marami sa kanila ang nasisira na ang appliances at apektado na ang kanilang kabuhayan.

Sa panayam, sinabi ni Island Garden City of Samal Vice Mayor Lemuel Reyes, na nakiisa rin sa rally, na ang iba sa kanila, kabilang na ang mga estudyante ay napipilitang pumasok nang walang ligo dahil nakakonekta ang kanilang suplay ng tubig sa kuryente.

“Malaking problema po talaga sa Samal is ‘yung kuryente… Halos everyday nagba-brownout ang mahal pa, P19 per kilo watt hour, ‘yung sa ibang supplier nasa P12 lang yata per kilo watt hour, ilan ang diperensya tapos hindi naman maganda ang serbisyo,” pahayag ni Vice Mayor Reyes.

Maliban dito, idinagdag pa ni Reyes na direktang apektado na rin ang pagnenegosyo sa kanilang lugar, lalo na ang sektor ng turismo sa isla.

“We are growing [in investments] kaso nga lang nauudlot. Maraming gustong pumasok, ‘pag tinatanong ‘yung koryente tapos [hindi naman masiguro] dahil ‘di naman stable, wala kaming magawa,” dagdag pa ni Reyes.

Maging ang mga kababayan umano nila ay nagtatanong na rin kung kailan mababago ang kanilang sitwasyon, subalit wala silang maisagot sapagkat ginawa na ng pamahalaang lokal ang lahat ng paraan.

Kasabay nito, nanawagan ang mga ralyista kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na aksyunan ang matagal nang hinaing ng kanilang lugar.

ā€œUmaasa po kami na saklolohan na kami ni Pangulong BBM, bigyan na po sana n’ya kami ng disenteng suplay ng tubig at kuryente,ā€ pahayag ni Reyes.

Nanawagan din ang mga ralyista na aksyunan na sana ang resolusyon na ipinasa ni Rep. Margarita Ignacia Nograles, ng Puwersa ng Bayaning Atleta Partylist, na House Bill 10554 para tanggalin ang Nordeco bilang tagasuplay ng kuryente sa mga lugar ng Tagum City, Island Garden City of Samal, at mga munisipalidad ng Asuncion, Kapalong, New Corella, San Isidro, at Talaingod.

Ayon kay Nograles, nabigo ang Nordeco na tugunan ang mga problema at mapabuti ang serbisyo sa loob ng prangkisa nito na nagreresulta sa “madalas na pagkawala ng koryente na humahadlang sa pag-unlad ng kanilang ekonomiya.

“Kumilos na ang mga lokal na opisyal at ipinahayag na ang kanilang pagnanais na makalaya mula sa matagal nang pahirap at hindi maaasahang serbisyo ng kuryente ng NORDECO,” dagdag pa ni Nograles. RNT