Proyekto ng DAR na organic farming umarangkada na sa Negros

Proyekto ng DAR na organic farming umarangkada na sa Negros

November 23, 2022 @ 6:03 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Umarangkada na ang mga magsasaka sa Negros Occidental makaraang tumanggap ang mga ito ng kabuuang P360,000 grant mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) para paunlarin ang kanilang organic vegetable farming.

Ayon kay Atty. Sheila Enciso, DAR Western Visayas Regional Director, na ang proyekto ay ipinatutupad sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support (CRFPS) ng DAR.

Sa press statement ng DAR layunin ng CRFPS na tulungan ang mga ARB organizations (ARBOs) sa lugar, kung saan ang mga produkto ay dati nang nasalanta ng mga natural na kalamidad, sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang organic vegetable farm sa loob ng 6,900 square-meter lot na pag-aari ng kooperatiba.

“Ang mga miyembro ng HDA – Rita Balud Farmers Association (HARBFA) ng Brgy. San Pablo, Manapla, ay dumalo sa isang pagsasanay upang mapahusay ang kanilang paraan ng pagsasaka, paunlarin ang kanilang pamamahala ng kooperatiba at sakahan, maging epektibo sa pagbebenta ng kanilang mga produkto, at maging mas matatag sa pagharap sa mga natural na kalamidad,” ani Enciso.

Ang oganisasyon ay pinagkalooban ng mga buto ng gulay, organic fertilizer, nursery supplies, vermi worms, farm equipment, at water system reservoir na kinabibilangan ng construction materials, electric pump, at iba pang accessories at labor services.

Kaugnay nito ang nasabing mga ARB ay magtatatag ng kanilang organic vegetable production sa isang 6,900 square-meter na lote na pag-aari ng kooperatiba.

Pinaalalahanan ni Enciso ang mga magsasaka na pagyamanin ang proyektong ipinagkatiwala sa kanila upang mapabuti ang kalidad ng kanilang buhay. Santi Celario