Proyekto ng Novatas local gov’t suportado ng magtatahong

Proyekto ng Novatas local gov’t suportado ng magtatahong

September 13, 2022 @ 2:26 PM 3 weeks ago


Manila, Philippines-Nagbigay-suporta ang mga negosyanteng magtatahong sa Navotas City sa proyekto ng lokal na pamahalaan na makatutulong na mapaganda at maiaayos ang transport network na  magpapabilis ng pagdadadala ng kanilang seafood harvests sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ayon kay Glicero delos Santos, kabilang sa humigit-kumulang 80 namumuhan sa tahungan, sumang-ayon silang tanggalin ang bahagi ng kanilang tahungan na walang permit mula sa Navotas para magbigay-daan sa proyekto ng naturang siyudad sa tulong ng San Miguel Corporation.

Kasama sa Coastal Development Project ng Navotas ang pagkakaroon ng expressway mula Navotas hanggang sa Bulacan at pagtatayo ng pinakamalaking socialized housing project ng lungsod.

“Matagal na po naming pinakinabangan ang mga tahungan namin sa dagat. At dahil po nga po sa mga tahungan, marami sa amin ay nakaririwasa at gumanda na ang buhay. Nagkaroon kami ng sasakyan, nakapagpatayo kami ng bahay, nakabili ng mga lupa, nakapagpatapos ng pag-aaral ng mga anak namin, kaya ngayong kakailanganin na ng gobyerno ang lugar,  sino ba naman kami para hindi pumayag? Kaya’t bukal sa loob kaming nakipag-usap sa mga kinatawan ng San Miguel Corporation at maayos silang nakipag-usap sa amin na walang pamimiliit,” wika ni delos Santos.

Ang isang namumuhunan sa tahungan ay karaniwang kumikita ng PhP 100,000 hanggang PhP 300,000  kada ani na kadalasang dinadala sa Central Luzon at maging sa South Luzon.

Dagdag pa ni delos Santos, kahit pa inalis nila ang mga tahungan na binayaran naman sa kanila ay marami pa silang pag-aari na tahungan sa Navotas at Bulacan at ang mga ito ay sapat para punuan ang pangangailangan sa tahong. RNT