PROYEKTO  NG SMC, KINASASABIKAN NG NAVOTEÑO

PROYEKTO  NG SMC, KINASASABIKAN NG NAVOTEÑO

June 16, 2022 @ 4:57 PM 1 week ago


NGAYON pa lang ay mistulang sabik na sabik na ang mga mamamayan sa Lungsod ng Navotas sa napakalaking proyektong itatayo rito ng San Miguel Corporation (SMC) patungo sa itinatayong New Manila International Airport sa lalawigan ng BulacanÑ

Pero siyempre, hindi lang naman ang mga taga-Navotas ang nasasabik sa napakalaking proyekto kundi ang mga mamamayan sa Kamaynilaan, lalu na ng mga taga-Maynila dahil kahit mas malayo ang Bulacan, Bulacan, kung saan itinatayo ang modern at bagong paliparan, mas magiging mabilis naman ang biyahe patungo rito dahil mayroong elevated expressway na itatayo na magdurugtong sa Harbor Link patungo naman sa itatayo ring Integrated Toll Expressway (ITE) sa tabi ng dike sa Navotas City patungo mismo ng bagong paliparan.

Sa oras na matapos na ng tuluyan ang proyekto, malaking pag-angat at pag-unlad ng kabuhayan ng mga taga-Navotas ang tiyak na mangyayari dahil pinagbigyan ng SMC ang hirit ng magkapatid na Mayor Toby at Cong. John Rey Tiangco na magkaroon ng pinakamalaking housing project sa lugar na dadaanan ng ITE sa Navotas Bay Reclamation Project sa Brgy. Tanza.

Bukod siyempre ito sa mga commercial buildings, mga establisimiento, residential condominiums, parke, organisadong lugar para sa mga manininda, pondohan ng pangingisda, daanan ng mga bangka at iba pang pasilidad. Ang higanteng proyektong pabahay nga pala ay para lamang sa mga mamamayan ng Navotas na naninirahan pa rin sa gilid ng Tullahan River at gilid ng baybaying dagat na sakop ng lungsod na lubhang napakamapanganib, lalu na kapag may bagyo o panahon ng tag-ulan.

Sa ngayon ay malaking bahagi na ng mga dating palaisdaan sa Brgy Tanza sa Navotas ang natabunan at na-reclaim na bilang bahagi pa rin ng proyekto ng SMC sa pagtatayo ng bagong paliparan. Sinisimulan na rin ang pagsusuri ng mga kontratista sa lupa sa kahabaan ng C-3 Road sa Navotas para sa itatayong elevated expressway na idurugtong sa nakatayo ng harbor link na patungo naman ng North Luzon Expressway mula sa Port Area.

Mula rito ay tatagos ang elevated expressway hanggang sa tinatawag na Centennial Park na ipinatayo rin ng lokal na pamahalaan patungo naman sa baybaying dagat na tatagos sa Coastal Reclamation Bay. Kaya siguro hindi matalo-talo ng mga pulitikong nagtatangkang labanan sa halalan ang magkapatid na Mayor Toby at Cong. John Rey dahil iba na ngayon ang lungsod kung ikukumpara noong mga unang panahon na inaayawang tirhan ang lugar dahil konting patak lang daw ng ulan ay lumulubog na ito sa tubig baha.

Pero mula nang mamuno ang mga Tiangco sa Navotas, naipatayo nila ang napakahaba at napakatibay na dike sa baybaying dagat at nakapaglagay ng isang katerbang pumping stations kaya kahit bumuhos ang napakalakas na ulan, malalim na ang baha sa ibang mga lungsod pero sa Navotas ay pinakamalalim na ang kalahating gulong ng sasakyan.

Kung matatapos na ang napakalaking proyekto, hindi malayong maunahan na ng Navotas sa pagpunlad ang mga katabing lungsod lalu na’t lalawak pa ang sakop ng siyudad dahil sa isinasagawang reclamation sa coastal bay.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.