PRRD: HUWAG MAGING CHOOSY, KUNG ANONG MERON, FIGHT

PRRD: HUWAG MAGING CHOOSY, KUNG ANONG MERON, FIGHT

July 6, 2021 @ 8:51 AM 1 year ago


NAKALULUNGKOT isiping marami ang nais na mabakunahan laban sa nakamamatay na sakit na dulot ng COVID-19, subalit kulang ang suplay na dumarating sa kanilang lokalidad.

Higit naman ang kalungkutan nating marami tayong kababayan ang ayaw o nagdadalawang isip pa rin na magpabakuna bilang proteksyon hindi lang sa kanilang kalusuan kundi maging sa kanilang mga mahal sa buhay na maaaring mahawaan sa sakit na posibleng dala nila.

Batay sa pinakahuling survey, 61 porsyento pa rin ng mga Filipino ang diskumpiyado sa bisa ng mga bakunang dumarating sa bansa. Sa pakikipaghuntahan po natin sa ilang kaibigang alkalde sa Metro Manila, ibinahagi nila sa akin ang eksena sa kanilang itinalagang vaccination centers.

Anila, sa bawat 500 kataong nakaiskedyul magpabakuna, 100 hanggang 150 lang ang dumarating. Katwiran ng ilan, hindi sila maaaring lumiban sa kani-kanilang trabaho sabay-sabing may mga bakuna namang gawa sa Estados Unidos at Europa.

Gayunman, may mga lugar namang may gustong magpabakuna subalit kapos naman ang suplay mula sa national government.

At s’yempre dahil sa limitado ang kanilang nakukuhang suplay, marami sa local government units ang napipilitang pansamantalang inhinto ang pagbabakuna.

Halimbawa nito ang bayan ng Taytay sa Rizal na mas matagal pang nakahimpil ang kanilang local vaccination kaysa sa mga araw na sila’y abala sa pagbabakuna.

Kaya naman hiling ng alkalde sa nasabing lokalidad ang mas maraming suplay. Bakit nga naman hindi?

Bakit kailangang patulugin ang mga bakuna sa lugar kung saan kaunti lang ang nais maturukan kung pwede naman itong dalhin sa mga lugar na tulad ng Taytay na may 400,000 nais magpabakuna?

Sa isang Facebook post, nanawagan po si Mayor Joric Gacula para sa karagdagang bakuna dahil sa mga sandaling ito, nasa 5% pa lang ng kanilang populasyon ang natuturukan.

Wala namang dapat ipag-alala ang Department of Health lalo na’t matagal nang napaghandaan ng Taytay LGU ang mga rekisitos para sa vaccine roll-out. May anim silang vaccination center, sandamakmak na medical volunteers, isang episyenteng cold storage facility at higit sa lahat mataas na social acceptability bunsod marahil ng masigasig na education and information program nila. Matiyaga nilang ipinaliliwanag ang mga dapat malaman ng mga mamamayan hinggil sa salot na COVID-19, mga hakbang upang maiwasan ito at ang buting dulot ng mga bakuna anoman ang brand name nito.

Personal kong nasaksihan ang mga eksena sa vaccination centers sa nasabing lokalidad at namo-monitor ko rin ang social media pages ng nasabing bayan. Pinuputakti ng mga residente ang kanilang LGU sa kakulangan sa suplay.

Hindi kaya mas marapat na dagdagan ang bakuna sa sa Rizal na may mataas na social acceptability lalo na sa Taytay, Angono, Binangonan at Antipolo?