PRRD may karapatang pangalanan mga ‘di swak sa pagka-Pangulo – Moreno

PRRD may karapatang pangalanan mga ‘di swak sa pagka-Pangulo – Moreno

January 25, 2022 @ 5:01 PM 8 months ago


Manila, Philippines – Iginiit ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na karapatan ni Pangulong Rodrigo Duterte na pangalanan ang mga presidential bets na hindi aniya karapat-dapat sa inaaplayan nilang pwesto.

“Karapatan ni Pangulo na magsiwalat ng kabalastugan. I do believe anybody, they can explain themselves whoever they are at the end of the day,” paliwanag ni Domagoso sa naganap na pulong balitaan ngayong araw.

“Botante pa rin si President Duterte, boboto pa rin si President on top of his obligation being the president, he is still a citizen of the country. He is entitled to his observation and opinion,” dagdag pa ni Yorme.

Una nang sinabi ni Duterte na papangalanan niya ang isa sa mga kandidato sa pagka-Pangulo sa darating na 2022 national election na “pinaka-corrupt” at sa tingin niya ay kulang sa kaalaman para maging susunod na pinuno ng bansa.

Aniya, isa sa mga naghahangad sa pagka-Presidente ay lasenggo, habang ang isa ay walang karanasan para sa pwesto.

Ipauubaya naman ni Duterte sa mga mamamayan ang pagpapasya kung maniniwala sila sa kanya o hindi.

Samantala, sa ginanap din na pulong balitaan ay muling iginiit ni Domagoso na bukas siya sa pagbubunyag ng kanyang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth sa publiko.

Ito ay matapos sabihin ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na walang dahilan para ilabas ang kanyang SALN sa publiko, lalo na kung ito ay gagamitin lamang sa pag-atake sa mga opisyal ng gobyerno.