PRRD nagbabala vs pagtira ng Tsina sa Pinas, Taiwan sa gitna ng Russia-Ukraine war

PRRD nagbabala vs pagtira ng Tsina sa Pinas, Taiwan sa gitna ng Russia-Ukraine war

May 4, 2022 @ 7:15 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Maaaring atakihin ng China ang Pilipinas at Taiwan kapag mas lalo pang umigting ang hidwaan sa pagitan ng Russia at Ukraine dahil sa presensya ng puwersa ng Estados Unidos.

“Kung lumaki ang gera between Russia and Ukraine, pag sumabog ito, naging nuclear, medyo delikado na tayo, ‘Pag nagputok ang isang, alam mo tatamaan talaga tayo,” ang pahayag ni Pangulong Duterte, Martes ng gabi sa campaign rally ng PDP-Laban.

“Bakit ako nakipagkaibigan, tutal ang Amerika nandito na rin,  kung may gera tatamaan talaga tayo because nandito ang Amerikano at marami silang armas dito,” dagdag na pahayag nito.

“Kung magka-leche leche ito, pag sumali ang China, they would probably hit Taiwan and the philippines, sigurado yan. Sigurado ako kasi nandito nga sila, eh kung yung World War 2 walang Amerikano rito eh di walang rason ang mga Hapon na magpunta rito,” aniya pa rin.

Sa naturang campaign rally ng PDP-Laban, sinabi ni Pangulong Duterte na binanggit niya kay Chinese President Xi Jinping na “walang away” ang Pilipinas at China.

“Sabi ko kay Xi Jinping, ‘brad wala man tayong away, ako nakipag-negotiate sayo’,” ayon sa Punong Ehekutibo.

Aniya pa, “Hindi kasi panahon ng tapang-tapangan ngayon, kasi pag tapang-tapangan ka, ang masalubong mo bomba, wala tayo nyan. Ang ating armaments good only for the insurgency problem, in keeping the integrity of the Filipino land, wala tayong panlabas.”

Matatandaang, nagbabala sa publiko si Pangulong Duterte tungkol sa malaking panganib sa buong mundo sakaling mawala sa kontrol ang pagsalakay ng Russia sa Ukraine.

Ayon kay Pangulong Duterte, walang mapapala sa digmaan ang sinuman.

Dagdag pa nito na bagama’t ang Pilipinas ay “neutral” sa pagsalakay ng russia sa ukraine, darating ang panahon na kailangan ng bansa na pumili ng panig.

Bukod dito, sinabi pa ng Punong Ehekutibo na wala siyang “choice” kundi ang payagan ang “unrestricted” na presensiya ng “Philippines’ treaty ally US” sa bansa.

Wala namang ideya ang pamahalaan kung anong weapons o mga armas ang dala ng US submarines sa kabila ng nakakasang “Constitutions ban” sa nuclear weapons.

Magugunitang, pinalawig ni Pangulong Duterte ang suspensyon ng abrogation ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.

Inanunsiyo ito ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa Twitter.

Sinabi ng kalihim na pinalawig ang VFA termination nang anim pang buwan.

“The President conveyed to us his decision to extend the suspension of the abrogation of the Visiting Forces Agreement by another six months while he studies and both sides further address his concerns regarding particular aspects of the agreement.” Kris Jose