PRRD walang ieendorsong presidente kahit umabot ng Disyembre

PRRD walang ieendorsong presidente kahit umabot ng Disyembre

May 3, 2022 @ 1:36 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Iginiit ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na wala siyang napupusuan na kahit na sinumang presidential candidate sa kabila ng ilang araw bago sumapit ang May 9 elections at kahit pa umabot hanggang buwan ng Disyembre.

Sa kanyang Talk to the People, araw ng Martes, hinikayat ni Pangulong Duterte ang kanyang mga Cabinet members na iwasan ang mag-endorso ng kahit na sinumang kandidato upang maiwasan ang political insinuations.

“Wala akong kandidato sa pagka-presidente ngayon hanggang Disyembre. Wala kami, even the Cabinet,” ayon sa Chief Executive.

“Itong Cabinet meetings natin, kung maaari lang, kayo, remain neutral na lang rin. Kung may kandidato, just keep it to yourself. Let us avoid endorsing any candidate so there will be no certain guesses or implications that we are supporting this candidate or that,” dagdag na pahayag nito.

Sa kabila nito, isinapubliko naman ng Punong Ehekutibo ang kanyang pagsuporta sa ilang kandidato sa pagka-senador at ng kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, na tumatakbo bilang bise-presidente.

Noong nakaraang taon, tinawag ni Pangulong Duterte ang running-mate ng kanyang anak na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang “weak leader.”

Subalit nito lamang Marso ay nasungkit ni Marcos ang pag-endorso ng PDP-Laban faction na suportado nina Pangulong Duterte at Energy Secretary Alfonso Cusi.

Patuloy namang sinasabi ng Pangulo sa kanyang mga talumpati na siya at ang kanyang gabinete ay dapat lamang na “free from the suspicion” sa pagsuporta sa kahit na sinumang kandidato.

“Inaasahan ng mga tao na tayo ang mag-guarantee ng peaceful election… May haka-haka lagi na ganito just because I am seen in the company them, it’s not that. As President, I have to go to where my duty mandates me to.”anito. Kris Jose