PRRD, walang susuportahang kandidato maliban kay Mayor Sara

PRRD, walang susuportahang kandidato maliban kay Mayor Sara

April 4, 2022 @ 7:52 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Walang susuportahan na sinumang kandidato si Pangulong Rodrigo Duterte para sa halalan sa Mayo.

Sa kanyang talumpati sa binisita nitong evacuation center sa Batangas, sinabi ng Pangulo na wala siyang susuportahang kandidato maliban sa kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na tumatakbo sa pagka-bise presidente ng bansa.

“Ako wala na, tapos na ako… I am not supporting any candidate—except, of course, my daughter. Ako, boboto talaga ako sa anak ko,” saad ng pangulo.

Isa sa adviser ng pangulo ang humikayat sa kanya na suportahan ang running-mate ni Mayor Sara na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para maprotektahan siya mula sa mga posibleng kasong isampa oras na bumaba na siya sa pwesto.

Pero noong Nobyembre, matatandaang tinawag ng pangulo si Marcos bilang “weak leader.”

Noong Marso naman, nagbigay ng katangian si pangulo na dapat aniyang hanapin ng mga botante sa isang lider ng bansa.

Sinabi nitong dapat na isang abogado at may malasakit sa mga Pilipino ang dapat na iboto.

Bukod kay Vice President Leni Robredo, si Jose Montemayor Jr. lamang din ang natatanging abogado mula sa 10 presidential candidates.

“Paalis na ako. I’m just, I’m winding up at lahat ‘yong nalalaman ko na magandang asal para sa maging Presidente, sinasabi ko. It is because I want to pass it on to the next generation,” sabi pa ng Pangulong Duterte sa kanyang speech sa Batangas.

Nagtungo si Pangulong Duterte sa Batangas upang inspeksyunin ang bagong gawang evacuation center sa Mataas na Kahoy kasunod na rin ng muling pagsabog ng Bulkang Taal. RNT/ JCM