PSA nag-isyu ng paper IDs habang wala pang PhilSys ID cards

PSA nag-isyu ng paper IDs habang wala pang PhilSys ID cards

October 23, 2022 @ 10:30 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Dahil sa patuloy na hamon sa pagbibigay ng plastic identification cards sa 74.3 milyong rehistradong Pilipino, napagdesisyunan ng Philippine Statistical Authority (PSA) na pansamantalang mag-isyu ng Philippine Identification System (PhilSys) cards sa papel.

Sinabi ni Dennis Mapa, national statistician at civil registrar general, na namumuno sa PSA, ang paper IDs ay “the digital version of the PhilSys ID, which is printed on a piece of paper.”

Tiniyak ni Mapa na lahat ng nagparehistro sa PhilSys ay makatatanggap ng plastic card version kahit na nakakuha sila ng paper IDs, na tinawag niyang “ePhilID.”

“The printed ePhilIDs will be issued in PhilSys registration centers nationwide. We hope to replicate the results as we accelerate the rollout to more locations in the country and ensure a seamless process for every registered person in claiming their printed ePhilD,” pagtitiyak ni Mapa.

Inihayag niya na pareho ang benepisyo ng paper IDs sa plastic cards, gaya ng mas mabilis na transaksyon sa pag-access ng financial at social protection services na nangangailangan ng proof of identity.

Kagaya ng PhilSys ID card, ang pagkuha ng ePhilID ay libre.

“We are confident that the public [will] have the same level of enthusiasm as we advance the use of the digital PhilID through the printed ePhilID, especially since PhilSys, at its core, is a digital ID system,” ani Mapa.

Inabot ng halos 20 taon bago maisabatas ang Philippine Identification System.

Sa kasalukuyam, 74.3 milyong Pilipino ang nagparehistro para sa PhilSys ID, subalit 51.2 milyong pagkakakilanlan pa lamang ang nabeberipika. Sa 51.2 milyong verified identities, 45 milyong PhilSys numbers ang nalikha.

Base sa PSA, 17.6 milyong plastic PhilSys cards ang nai-deliver na hanggang nitong Oct. 16, at karagdagang 22.5 milyong cards ang nai- “dispatch.”

Hanggang nitong Oct. 20, 385,657 paper IDs ang na-claim na. RNT/SA