PSA VS SWS SA KAHIRAPAN NG PINOY

PSA VS SWS SA KAHIRAPAN NG PINOY

October 24, 2022 @ 5:16 PM 1 month ago


TOTOO kayang mahirap ang mahigit 50 milyong Pinoy o nasa 20 milyon lamang?

Nagtatanong tayo dahil sa magkaibang pananaw sa kahirapan ng Social Weather Station at ng Philippine Statistics Authority.

SWS ang nagsasabing mahigit 50M ang mahihirap samantalang PSA ang nagsasabing 20 milyon lamang.

Si Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan ang nagsasabing hindi totoo ang survey ng SWS at ang sa PSA ang tama.

MAGKAIBA ANG PAGSUSUKAT

Sa survey ng SWS, nasa 1,500 katao lang ang pinagtatanong nito sa loob ng apat na araw mula Setyembre 29 hanggang Oktubre 2, 2022.

Nagbabahay-bahay naman ang PSA sa buong Pilipinas at kasama pa nga nila ang mga opisyal, tanod at mother leader sa pagsasagawa nito minsan kada isang taon.

Sinasabing updated o napapanahon ang survey ng SWS subalit hindi naman mapapasubalian ang hindi gaanong pagbabago ng kalagayan ng mga mamamayan sa buong bansa sa isang taon batay sa isinasagawang survey ng PSA.

Hindi man nasama sa survey ng PSA ang Setyembre-Oktubre ngayong taon, kung meron mang pagbabago ay dala lamang ng panibagong mga kaganapan gaya ng giyera sa Russia at Ukraine na pinagmulan ng pagmahal ng mga bilihin na siyempre pa, may epekto sa buhay ng mahihirap.

Ang natitirang katanungan ay kung totoo o hindi ang sinasabi ng SWS o ang PSA.

SILIPIN NANG HUSTO

Paano nga ba nasusukat ang kahirapan?

Ayon sa PSA, kapag kinukulang sa pagkain at iba pang mga batayang pangangailangan ang mga mamamayan, sila’y maituturing na mahirap at inaalam nito ito sa lahatang survey ng milyon-milyong mamamayan.

Ang SWS, batay sa huling ulat, walang malinaw na panukat sa kahirapan kundi batay sa sagot ng mga sinurvey na 1,500 katao.

Tingnan natin ang sa pagkain.

Ayon sa SWS survey, 34 porsyento ng mga pamilya ang nagsabing sila’y food poor o kulang sa pagkain?

May 38 porsyento naman ang nagsabing nasa borderline o katamtaman ang kanilang kalagayan habang may 26 porsyento naman ang nagsabing hindi sila nagugutom.

Heto ngayon.

Sa kabila ng sobrang mahal na bilihin sa nakalipas na ilang buwan dahil sa giyerang Russia at Ukraine, pupwedeng pagsamahin ang 38 porsyento at 26 porsyento na nasa borderline at hindi nagugutom at makabubuo ka ng 66 porsyento na hindi nakararanas ng kagutuman.

Karaniwang pinaniniwalaan na kung hindi nagugutom ang isang pamilya gaya ng mga nasa borderline at hindi nagugutom, nasasama na rito ang kawalan nila ng kakapusan sa mga batayang pangangailangan.

Kung gayon, medyo sablay nga ang pagsasabing mahigit 50M ng 110 milyong Pinoy ang naghihirap.

MAGTULONG-TULONG LAHAT

Kung tutuusin, mga Bro, mahigit 100 araw pa lang ang panunungkulan ng pamahalaan ni Pangulong Bongbong Marcos at hindi talaga masasabing dapat umigkas o lumundag na pataas ang kalagayan ng mahihirap.

Gayunman, hindi matatawaran ang pag-aasikaso ng gobyernong Marcos sa mahihirap kahit tanungin n’yo pa si Social Welfare Sec. Erwin Tulfo at iba pang mga pinuno ng iba pang departamento ng pamahalaan.

Ang mahalagang pasimula ay ang pagtutulungan ng lahat na iangat ang bawat isa mula sa kahirapan.