PSC chief Eala humiling ng suporta sa fans sa pagsabak ng Gilas sa World Cup

PSC chief Eala humiling ng suporta sa fans sa pagsabak ng Gilas sa World Cup

September 8, 2022 @ 11:29 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines -Inihayag ng bagong hirang na Philippine Sports Commission Chairman na si Noli Eala na buo ang kanyang suporta sa pagho-host ng bansa sa FIBA World Cup sa susunod na taon at hiniling din sa basketball fans na sumuporta sa likod ng ating Gilas Pilipinas team na lalaban sa pinakamalaking basketball event sa mundo.

“Hinihikayat ko ang lahat, hindi lamang ang mga Pilipinong mahilig sa basketball, na suportahan ang pagho-host ng bansa ng World Cup, na nagbibigay ng labis na pagmamalaki para sa Pilipinas bilang isa sa mga host, at manatili sa likod ng ating sariling koponan ng Gilas Pilipinas,” sabi ni Eala , na namumuno ngayon sa sports agency ng gobyerno, na humalili kay Butch Ramirez.

Isang dating PBA Commissioner, na nagsilbi rin bilang Executive Director ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ilang taon na ang nakalilipas, si Eala ay naging project director ng orihinal na Smart Gilas Pilipinas noong 2008.

Ang koponan ng Smart Gilas na iyon ay ang pasimula ng programa ng Gilas na hinahawakan ngayon ni Chot Reyes.

Dahil sikat na sikat ang basketball sa Pilipinas, todo ang suporta nina Eala at ng PSC sa World Cup na inaasahang hindi lamang upang ipakita ang world-class hosting capabilities, ngunit magbibigay din ng isang economic boost sa bansa na hanggang ngayon sinusubukang ibangon ang kanyang mga paa sa problemang idinulot ng pandemya ng COVID-19.

Isang basketball lover mismo, si Eala ay nagbahagi ng parehong hilig ng hoop-crazy nation na tumayo sa likod ng ating Gilas Pilipinas sa World Cup sa susunod na taon.

Noong Miyerkules, nag-courtesy call ang mga opisyal mula sa SBP sa bagong Chairman ng sports agency ng gobyerno.

Kasama ni Eala sa pagtanggap sa mga delegado mula sa SBP si PSC Commissioner at Philippine Sports Hall of Famer Bong Coo.

Nanguna sa courtesy visit ng SBP team sina executive director Sonny Barrios, na nagsisilbi ring event director para sa FIBA World Cup 2023, Erika Dy, deputy event director, Dickie Bachmann, division chief for operations, local organizing committee, Jude Turcuato, na kumakatawan sa Smart Communications, na nagsisilbing global partner ng event, si Atty. Aga Francisco, SBP legal consultant at chairman ng FIBA legal commission at John Lucas, head of operations, joint management committee, Philippines, FBWC 2023.RICO NAVARRO