PSC, MILO magkatuwang sa 2022 Batang Pinoy

PSC, MILO magkatuwang sa 2022 Batang Pinoy

November 28, 2022 @ 3:20 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Lumagda ang Philippine Sports Commission (PSC) at Nestle Philippines Inc. – MILO ng isang Memorandum of Agreement (MOA) para sa Batang Pinoy 2022 National Championships ngayong araw, Nobyembre 28 sa Rizal Memorial Sports Complex, Maynila para sa kanilang layuning makadiskubre ng sports champion.

Pinangunahan nina PSC Chairman Jose Emmanuel “Noli” M. Eala at Nestle Philippines Business Executive Officer – Beverages and Confectionery Veronica V. Cruz ang kani-kanilang organisasyon sa ginanap na MOA signing.

Gaganapin ang Batang Pinoy Games, isa sa mga centerpiece grassroots sports program ng PSC, sa Disyembre 17 hanggang 21 sa Lalawigan ng Ilocos Sur.

“Para sa Batang Pinoy na muling makatrabaho ang Nestle Philippines at Milo, ay tunay na isang karangalan, pati na rin isang pagpapala para sa kabataang Pilipino. Umaasa kami na patuloy na magiging matatag na katuwang ng PSC ang Milo, hindi lang para sa Batang Pinoy kundi para sa aming buong grassroots program,” ani Eala.

Sa ilalim ng kasunduan, magpapatuloy ang partnership hanggang sa katapusan ng 2022.

Palalakasin at bubuhayin  ang mga grassroots program ng PSC sa tulong ng MILO at iba pang mga kasosyo sa pribadong sector upang makalikha ng world class na mga atleta tulad ng Olympic gold medalist na si Hidilyn Diaz, Olympic Silver medalist na si Carlo Paalam, at mga World champion na sina Caloy Yulo at Phillip Delarmino, Bukod sa iba pa.

Dumalo rin sa MOA signing sina PSC Commissioner Olivia “Bong” Coo, PSC Accounting Chief Erik Jean Mayores, kasama sina Milo Corporate Affairs Vice President Joey Uy, Milo Corporate Affairs Atty. DG Anastacio, at Assistant Vice President para sa Milo Sports na si G. Carlo Sampan.RICO NAVARRO