PSC todo-paghahanda sa pagdaraos ng Batang Pinoy

PSC todo-paghahanda sa pagdaraos ng Batang Pinoy

November 26, 2022 @ 12:40 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nagsagawa ang Philippine Sports Commission ng ocular inspection ng mga venue at alignment meeting kasama ang Ilocos Sur Provincial Government nitong weekend, habang papalapit ang 2022 Batang Pinoy (BP) National Championships sa nakatakdang pagsisimula nito sa Disyembre 17.

Inaasahang dudumugin ng 7,000 atleta, coach, opisyal, magulang at manonood, at 300 boluntaryo mula sa mga paaralan at pribadong kumpanya, tiniyak ng Ilocos Sur LGU, sa pamamagitan ni Ryan Vera-Cruz, ang Provincial Sports Coordinator, sa kanilang counterpart sa PSC para masiguro na handa na ang kakailanganing lugar at requirements para sa Laro.

Nakatakdang magsimula ang mga kompetisyon sa archery, badminton, chess, table tennis at swimming sa araw ng opening ceremony.

Ang event ay ang unang face-to-face na edisyon ng mga laro pagkatapos ng pandemya kung saan mataas ang ekpektasyon at health security para sa mga kalahok ng BP.

“We are assuring the safety and comfort of our participating athletes coming in the province, with the upgrading of amenities in each of the 21 billeting schools that will be used for the games, through the initiative of Ilocos Sur Governor Jerry Singson,” ani Vera -Cruz.

Pinangunahan ng tauhan ng PSC na si Edwin Llanes, North Luzon sports coordinator ng sports agency at Batang Pinoy Head ng National Secretariat na si Alona Quintos, ang mga pagpupulong at inspeksyon, habang pinabilis ni Vera-Cruz ang team sa paghahanda sa venue at mga pagbabago.

Ipinakilala ng BP ang mga virtual na kumpetisyon sa edisyong ito. Ang sports ng arnis, dancesport, judo, karate, muay, pencak silat, taekwondo at wushu ay magkakaroon ng kanilang mga laban nang virtual, at ipapalabas sa PSC YouTube channel sa BP virtual week, na naka-iskedyul mula Disyembre 11 hanggang 15.

Ang on-site games, isang inisyatiba ni PSC Chairman Noli Eala, ay mai-stream din nang live sa PSC’s YouTube channel, isang una para sa premier youth grassroots sports program ng sports agency mula nang magsimula ito noong 1999.

Ito ay naglalayong payagan ang mga magulang ng mga kalahok, kanilang mga pamilya, at ang publiko na panoorin at muling panoorin ang mga laro ng kanilang mga taya anumang oras at saanman mayroong koneksyon sa internet.RICO NAVARRO