PSC Women’s Martial Arts Festival sisipa na

PSC Women’s Martial Arts Festival sisipa na

November 8, 2022 @ 1:56 PM 3 weeks ago


MANILA, PHILIPPINES – Magbibigay inspirasyon ang Philippine Sports Commission (PSC) sa pamamagitan ng Women in Sports program upang  bigyan ng kapangyarihan ang mas maraming Filipina athletes sa larangan ng pagdaraos ng 8th Women’s Martial Arts Festival simula ngayong Sabado, Nobyembre 12 sa Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) sa Malate, Manila.

Excited si Philippine Sports Hall of Famer at Bowling legend na si Olivia “Bong” Coo para sa isang linggong torneo na magsisilbing kanyang unang major project bilang Commissioner ng national sports agency.

“Ang objective ko talaga is to increase the participation of women athletes,” ani  Commissioner Coo.

Siyam na regular sports na kinabibilangan ng Pencak Silat, Wrestling, Sambo, Taekwondo, Muay Thai, Kickboxing, Karate, Jiu Jitsu, Kurash, at 2 demonstration sports tulad ng Arnis at Judo ang lalaruin sa Nobyembre 12 hanggang 17 women’s martial arts festival.

Ang lahat ng mga kumpetisyon ay mai-stream nang live sa PSC Women’s Martial Arts Festival Facebook page.

Umaasa si Coo na makatutuklas ng mas maraming talento sa Pilipinas na susunod sa yapak ng unang Olympic weightlifting gold medalist ng Pilipinas na si Hidilyn Diaz-Naranjo, The World Games 2022 karate champion Junna Tsukii, Jiu-Jitsu World champions Meggie Ochoa at Kimberly Anne Custodio, 2022 US Open women’s junior singles titlist Alex Eala, bukod sa iba pa.

“Nakikita naman natin nitong nakaraan na talagang karamihan ng nananalo ay kababaihan. Paramihin pa natin yung mga women athletes and that’s why we are here to support,” pahayag ng lady commissioner.

Hinikayat din ni Coo ang mga magulang at tagapag-alaga na ilantad at hayaan ang kanilang mga anak sa sports sa lalong madaling panahon.

Ibinahagi din niya na sa pamamagitan ng mga kompetisyon, maaaring palakasin ng iba’t ibang National Sports Associations (NSAs) ang kanilang pambansang pool, at ang kaganapang ito ay magagamit para sa paghahanap ng mga bagong talento.

“Umaasa kami na sa ating termino ay makakatulong tayo sa paggawa ng mas maraming medalya para sa bansa,” pagtatapos ni Coo at idinagdag na ang pagdiriwang ng palakasan ay magiging bahagi ng proseso ng pambansang pagpili para sa ilang sports sa pamamagitan ng kanilang NSA ng Philippine team na kakatawan sa bansa sa 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia at 6th Asian Indoor and Martial Arts Games sa Thailand, sa susunod na taon.

Pormal na magsisimula ang 8th Women’s Martial Arts Festival sa Sabado, Nobyembre 12, alas-10 ng umaga sa Rizal Memorial Coliseum, Maynila.RICO NAVARRO