PSG members na pasado sa Bar Exams personal na binati ni PRRD

PSG members na pasado sa Bar Exams personal na binati ni PRRD

April 25, 2022 @ 2:45 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Personal na binati ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) na pumasa sa 2020/2021 bar examinations.

Sa isang text message, sinabi ni PSG spokesperson Major Zeerah Blanche Lucrecia, na nakipagkita ang mga bar passers kay Pangulong Duterte para sa isang photo opportunity sa Malago Clubhouse sa Malakanyang noong Abril 21.

“The gesture was gladly received by the new bar passers,” ayon kay Lucrecia.

Ang mga PSG members na matagumpay na nakapasa sa Bar examinations ay sina Captain Joan Napay, kasalukuyang nakatalaga sa PSG Station Hospital; Lt. April Bayabao mula sa Office of the Assistant Chief of Staff for Logistics at PSSg. Byron Angelo Bacud mula sa Presidential Police Security Force Unit.

Ani Lucrecia, ipinresenta ni PSG commander Brig. Gen. Randolph Cabangbang kay Pangulong Duterte ang mga PSG members na pumasa sa bar exams.

Sa kabilang dako, sinabi ni Napay na ibinahagi sa kanila ni Pangulong Duterte ang kanyang personal na karanasan bilang abogado at isang prosecutor nang siya ay nananatili pang nasa practice.

Samantala, inirekumenda naman ni Pangulong Duterte ang pagbabasa ng maraming libro ukol sa trial techniques at hinikayat ang mga bagong abogado na mag-engage sa practice maging sa Armed Forces of the Philippines o pribadong sektor.

Sinabi ni Napay na magsisilbi siya sa AFP.

May kabuuang 8,241 examinees mula sa 11,402 takers ang pumasa sa 2020/2021 Bar Examinations para sa 72.28% passing rate, ayon sa Korte Suprema. Kris Jose