Psychological test, hindi sapat; Mental health program sa mga pulis, isinusulong-solon

Psychological test, hindi sapat; Mental health program sa mga pulis, isinusulong-solon

July 27, 2018 @ 3:05 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Sa katwirang hindi sapat ang psychological test, iminungkahi ni House Defense Committee Senior Vice Chairman Ruffy Biazon na magkaroon din ng mental health program para sa mga kapulisan ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Biazon, mahalaga na hindi lamang physically fit ang mga pulis kundi dapat ay mentally prepared din sa pagtupad ng kanilang tungkulin at ang pagsasailalim sa mga ito sa isang mental health program ay isang malaking hakbang para masiguro na kaya nitong tumugon sa mga hinihingi ng pagkakataon.

Ang rekomendasyon ni Biazon ay kasunod ng insidente ng pananampal kay Valinos Bus driver na si Joel Mametis ni PO1 Edmar Costo matapos tumanggi ang driver na ibigay ang driver’s license nito gayundin ay matapos mainsulto ang pulis sa ginawang panunuhol sa kanya ng driver at kundoktor para hindi na bigyan ng traffic violation ticket.

Ani Biazon, hindi maitatanggi ang labis na stress at pressure na dinaranas ng mga pulis sa pagtupad ng tungkulin lalo na sa mga pasaway sa kalsada subalit kung mayroon umanong kaalaman at sumailalim sa isang mental health program ang mga pulis ay mas may kaalaman ito para tumugon sa isang sitwasyon nang hindi gagamit ng dahas o pananakit gaya ng nagawa ni Costo.

“A psychologically healthy policeman at the beginning of his service may become affected by stress and pressure. The PNP must have a mental health program to address this” paliwanag ni Biazon. (Gail Mendoza)