PTA oks pa rin sa F2F classes kahit COVID cases sa Pinas dumarami

PTA oks pa rin sa F2F classes kahit COVID cases sa Pinas dumarami

July 10, 2022 @ 2:30 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng National Parent-Teacher Association Philippines (PTA) nitong Linggo na aprubado pa rin nito ang pagbabalik ng face-to-face classes sa kabila ng pagtaas ng COVID-19 cases.

Batay sa resulta ng online survey na isinagawa ng grupo, iginiit ni PTA president Willy Rodriguez na 100 porsyento ng respondents ang nais nang ibalik ang in-person classes sa pribado at pampublikong mga paaralan.

Aniya, ito ay sa kabila ng  pagsirit ng aktibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas sa 13,021.

“Ituloy na po ang face-to-face classes. Matagal na naming ipinagdadasal na magkaron ng face-to-face. ‘Yung mga kaso ngayon… siguro sa dami ng bakunado ay maaari talagang matuloy na po,” ani Rodriguez.

“Wala daw kasing natututunan kapag sa online. Hirap ang mga bata at naapektuhan ang kanilang social life na hindi nakakalabas at walang natututunan,” dagdag niya.

Kasalukuyang hindi rekisitos ang bakuna kontra COVID-19 sa mga estudyanteng makikilahok sa in-person classes, subalit hinihikayat silana magpabakuna. RNT/SA