PTFOMS, kumikilos na sa kaso ng pananambang sa broadcaster na si Joey Llana

PTFOMS, kumikilos na sa kaso ng pananambang sa broadcaster na si Joey Llana

July 20, 2018 @ 1:36 PM 5 years ago


Manila, Philippines – Kumikilos na ang Presidential Task Force for Media Security para alalayan ang pamilya at tutukan ang imbestigasyon sa kasong pananambang sa isang radio broadcaster sa labas ng kaniyang bahay sa Barangay Peñafrancia, Daraga, Albay kaninang  madaling araw.

Tulad ng misyon ng  PTFOMS na binuo ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay  gagawin ng pamahalaan ang lahat para makamit ng pamilya ang hustisya sa krimen na ito.

Sinabi ni Presidential Communications Operation Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na mahigpit ang ugnayan ngayon ng PNP at ng PTFoMS para mabilis na ikareresolba ng kaso.

Samantala, buong puso namang nakikiramay ang Malakanyang sa pamilyang naulila ng kasama sa broadcast na si Joey Llana ng Albay na tinambangan habang patungong trabaho kaninang madaling araw.

“Kinokondena po natin ang karahasang ito dahil isang malinaw na naman ng paglabag ito sa karapatan ng malayang pamamahayag,” ayon kay sec. Andanar.

Sa ulat, pasado alas-5:00 kaninang madaling araw  habang papasok na sa trabaho ang biktimang si  Llana sakay ng kanyang sasakyan nang pagbabarilin ng mga suspek sa tapat mismo ng bahay nito.

Tama sa ulo ang tumapos sa buhay ng biktima na kilala bilang isa sa mga hard hitting commentator sa Albay sa programa nitong Metro Banat sa Zoom Radio Legazpi alas-5:30 hanggang alas-7:00 ng umaga.

Ayon sa kapatid nitong si Merwin Llana, walang naikwento sa kanila ang biktima na posibleng ikonekta sa insidente.

Kasalukuyan pang pinoproseso ng SOCO ang crime scene para sa nagpapatuloy na imbestigasyon.  (Kris Jose)