PTV, IBC may tsansang lumago sa naunsyaming ABS-CBN-TV5 deal

PTV, IBC may tsansang lumago sa naunsyaming ABS-CBN-TV5 deal

September 4, 2022 @ 11:30 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakakita ng pag-asa si Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na lumago ang state-run networks PTV-4 at IBC-13 dahil hindi na matutuloy at tuluyan nang isinantabi ang dapat sana’y investment agreement sa pagitan ng ABS-CBN at TV5.

“Bihira po kasi ako nagbibigay ng opinyon pero in a very small part of my head, sinasabi ko sa sarili ko: at least may pagkakataon pong lumaki ang PTV tsaka IBC dahil nawalan po ng kompetensya. Ang kailangan na lang po namin, palakasin,” ayon kay Cruz-Angeles sa House appropriations panel sa isinagawang deliberasyon ng budget ng Office of the Press Secretary (OPS).

Tugon din ito ni Cruz-Angeles sa naging pahayag ni Albay 1st District Rep. Edcel Lagman, na “self-serving” ang kanyang sinabi.

“Opo, aminado po ,” pag-amin ni Cruz-Angeles.

Gayunman, tumanggi naman siyang mag-komento nang tanungin ni Lagman kung ano ang masasabi niya at pakahulugan nang ma-terminate ang kasunduan sa press freedom at freedom of expression.

Sa ulat, h indi makakakuha ang IBC ng kahit na isang sentimo sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) para sa susunod na taon, sa kabila ng ang hirit na budget ng Office of the Press Secretary (OPS) ay ₱418.73 milyong piso.

“Under the 2022 spending program, the network has ₱73.68 million in funding,” ayon kay Cruz-Angeles.

Ang babala nito (Cruz-Angeles), titigil ang operasyon ng IBC sa Enero kapag nanatili itong walang pondo.

Samantala, makakakuha naman ang PTV ng ₱125.15 milyong piso sa ilalim ng 2023 NEP, mababa sa naging panukala ng OPS na ₱240 milyong piso.

Gayunman, nananatili naman itong mataas ng 19% sa pondo para ngayong taon.

Aniya, ang pagtataas sa “maintenance at ibang operating expenses” ay makatutulong sa sahod ng mga manggagawa.

Tinanong din si Cruz-Angeles sa plano nito kung paano dadalhin ang networks sa level ng British Broadcasting Corp., ang national broadcaster ng United Kingdom.

“Ang proposal namin is gawan po natin ng paraan pero reality check, it’s going to cost. If we want a BBC-type station, we can actually have two pero gagastusan po natin ito taun-taon,” ayon kay Cruz-Angeles.

Samantala, ₱1.22 billion budget para sa 2023 ang panukalang budget ng OPS, bumaba ng 24% mula sa pondop ngayong taon. Kris Jose