Public awareness, pinakamalaking trabaho sa isyu ng Pederalismo

Public awareness, pinakamalaking trabaho sa isyu ng Pederalismo

August 11, 2018 @ 9:07 AM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na ang pinakamalaking trabaho sa usapin ng pederalismo ay ang pagkakaroon ng “awareness” at pagpapaintindi sa publiko.

Alam ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na maglalabasan ang iba’t ibang mga hamon sa pederalismo lalo sa isyu ng pagpapaliwanag sa mga mamamayan.

Ani Special Assistant to the President (SAP) Bong Go, sa kanilang pag-iikot ni Pangulong Duterte ay lumalabas na karamihan sa kanilang mga nakakaharap ay hindi interesadong pakinggan ang pederalismo.

“Ito pong mga ganitong usapin tungkol sa Pederalismo, inaasahan na ito ni Pangulong Duterte. Bukas po ang Pangulo kung ano man ang magiging problema nito in the long run sa mga pagbabagong, lalong lalo na sa transition stage, no?” ani Go.

Aniya, bagama’t nasa Kongreso na ang draft ng Federal Constitution, aasahan itong magiging “long shot” o pahirapan ang pagpapasa, gayundin sa transition period sakaling maging federal na ang sistema sa gobyerno.

“Nasa kongreso na ho ito. Medyo long shot nga ho ito.

Kasi po alam niyo matagal na kaming umikot ng Pangulo about sa Federalism 2015 pa hanggang 2016 at alam naman natin na ang pinaka-importante ito ay paano natin maipapaintindi sa mga tao, sa bayan, kung ano itong Pederalismo.

‘Yung magiging awareness nito. Kasi umiikot kami noon, hindi sila masyadong nakikinig about Federalism. Pinapakinggan nila ‘yung Pangulo,” aniya pa rin.

Matatandaang, maging ang mga economic managers ni Pangulong Duterte ay hindi pabor sa pederalismo partikular sa binuong draft Federal Constitution ng Consultative Committee (con-com). (Kris Jose)