PUBLIC HEALTH EMERGENCY PWEDE NANG BAWIIN

PUBLIC HEALTH EMERGENCY PWEDE NANG BAWIIN

June 6, 2022 @ 10:20 PM 3 weeks ago


TILA papalapit na nga ang pagtatapos ng ating laban sa CO-VID-19 dahil nakikita na ng mga ekspertong maaari nang bawiin ang deklarasyon ng public health emergency sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Nakikita kasing manageable na ang mababang bilang ng COVID-19 cases sa kasalukuyan ang nariyan na rin ang bakuna at iba pang gamot para sa mga sintomas ng sakit na makatutulong sakaling muling sumipa ang mga kaso ng COVID-19.

Hindi na rin masyadong nakababahala ang pagkalat ng panibagong variants ng COVID-19 dahil sa kahandaan ng  health facilities sa bansa at malaking bahagi na rin ng ating populasyon ang baku-nado na laban sa malalang sintomas nito.

Subalit, hindi naman na-ngangahulugang dapat nang maging kampante ang lahat at balewalain na lamang ang mi-nimum public health standards na napatunayang malaking tulong upang iwasan ang hawahan ng COVID-19.

Anomang oras din kasi ay maaaring sumipa muli ang mga kaso at may tsansa ring mabuo ang iba pang variant ng CO-VID-19 na pwedeng maging mas nakahahawa kumpara sa mga nakalipas na variant nito.

Ibayong pag-iingat pa rin ang talagang dapat gawin ng lahat upang habang unti-un-ting ipinatutupad ang pagluluwag ng COVID-19 restrictions ay patuloy na nasisigurong naiiwasan ang sakit.

Huwag sana nating balewalain ang dalawang taon nating paghihirap at pagsasakripisyo, lalo na ang mga kababayan nating frontliner, na sa isang iglap ay maaari ta-yong bumalik sa simula kung magiging pabaya tayo sa ating mga hakbang laban sa nakamamatay na CO-VID-19.

Tama lamang na dahan-dahan ang gawing pagluluwag ng mga restriksyon para makita natin kung ang maliit na hakbang ay magkaroon ng hindi magandang epekto sa ating pakikipagbuno sa COVID-19.

Sa pamamagitan nito, kaya pang agad na bawiin ang mga bagong panuntunan, kung kailangan, at hindi na mahirapan pang muling ibalik ang mahigpit na pagpapatupad COVID-19 protocols.