Public school teachers poprotektahan vs abusadong maniningil ng utang

Public school teachers poprotektahan vs abusadong maniningil ng utang

February 24, 2023 @ 5:46 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Naghain ng isang panukalang batas si Senador Sherwin Gatchalian na magbibigay proteksiyon sa mga public school teacher laban sa mapang-abusong paniningil ng utang.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian, chairman ng Senate committee on basic education, nakatakda sa Senate Bill No. 818 o Fair Debt Collection Practices Act na ipagbabawal sa sinumang maniningil ng utang ang harassment, pang-aapi, o pang-aabuso upang makapaningil.

Kabilang sa ipagbabawal ang pagbabanta o paggamit ng karahasan, paggamit ng bastos na wika, pagbabahagi sa pangalan ng mangungutang, at iba pa.

Ipinagbabawal din sa panukalang batas ang paggamit ng mapanlinlang na pamamaraan upang makasingil ng utang.

Kabilang dito ang pananakot o pagbabanta ng pagkabilanggo, pagbabanta ng ligal na hakbang na hindi naman maaaring gawin, kabilang ang implikasyong may ginawang krimen ang sinumang nangutang.

Sa ilalim din ng panukalang batas, ituturing na walang bisa ang anumang mapanlinlang na kasunduan.

Mapapawalang-bisa din ang anumang kasunduang may mapanlinlang na representasyon ng karapatan ng nangongolekta ng utang at obligasyon ng nangutang.

“Kailangang wakasan natin ang mga pang-aabusong may kinalaman sa pangongolekta ng utang. Nakakabahala na ang ating mga guro ang lubos na naaapektuhan ng ganitong mga pang-aabuso, kaya naman kailangan nating tiyakin na mabibigyan natin sila ng kaukulang proteksyon at maitataguyod natin ang kanilang kapakanan,” ani Gatchalian.

Upang lalo pang maitaguyod ang kapakanan ng mga guro, binabalak din ni Gatchalian na maghain ng panukalang batas na aamyendahan ang Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670).

Dahil halos 57 taon na ang lumipas simula nang maging ganap na batas ang Magna Carta for Public School Teachers, nanindigan si Gatchalian na dapat itong amyendahan at gawing mas akma sa mga kasalukuyang hamong hinaharap ng mga guro. Ernie Reyes