Public schools, gov’t offices sa Makati, solar powered na

Public schools, gov’t offices sa Makati, solar powered na

August 12, 2022 @ 8:18 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inihayag ni Makati City Mayor Abby Binay na maglalagay na ng mga solar panel sa lahat ng pampublikong paaralan at tanggapan ng lokal na pamahalaan sa lungsod sa ginanap na kick-off activity ng Brigada Eskwela nitong Agosto 11 sa Comembo Elementary School (CES).

Sinabi ni Binay na ang paggamit ng mga solar panel ay tiyak na makababawas sa pagkonsumo ng enerhiya pati na rin sa gastos ng lungsod kasabay ng pagpapababa ng greenhouse gas (GHG) emissions sa premier financial district ng bansa.

Ayon kay Binay, target ng lungsod na manguna sa paggamit ng renewable energy sa mga pampublikong paaralan at mga opisina ng lokal na pamahalaan na bahagi ng kanyang isinusulong na adbokasiya para sa mas luntian, mas malinis, at mas matatag na komunidad.

Dagdag pa ni Binay na kapag mayroong alternatibong power source ay matutugunan ang pangangailangan ng suplay ng kuryente kahit sa panahon ng kalamidad at maipagpatuloy ang pagtuturo sa klase ng mga guro gayundin ang pagbibigay ng serbisyo publiko sa lungsod.

Sinabi ni Binay na ang paglalagay ng mga solar panel ay gagawing by batch at ang Comembo Elementary School ang isa sa magiging pilot sites ng naturang proyekto.

Sa kabuuan ay mayroong 25 elementary schools, 10 junior high schools at 8 senior high schools ang makikinabang sa paggamit ng mga ilalagay na solar panel sa lahat ng eskwelahan sa lungsod.

Kasabay nito ay pinasalamatan ni Binay ang Integrated Bar of the Philippines (IBP), Rotary Club of Makati (RCM), Lakambini ng Comembo, at mga kagawad ng Comembo para sa donasyong mga bisikleta sa nabangit na paaralan kung saan 17 bisikleta ang unang nai-turn over sa paaralan sa ginanap na seremonya nitong Miyerkules.

Ani pa Binay, bukod pa sa makatutulong sa pagpigil ng polusyon ay malaking tulong din ang mga donasyon bisikleta na makatitipid sa pamasahe ng mga estudyante at regular din na makapapasok na ang mga ito sa kani-kanilang paaralan. James I. Catapusan