PUBLIC SERVANTS FOR SALE

PUBLIC SERVANTS FOR SALE

May 13, 2022 @ 11:17 AM 2 weeks ago


Nakadidismaya na ang sitwasyon ng pagiging public servant ngayon sa gitna ng malaganap na vote buying sa bansa tuwing eleksyon.

Masakit man tanggapin subalit kailangan nang may malaking pondong nakalaan para sa isang indibidwal na nagnanais manilbihan bilang Gobernador, Kongresista, Meyor, Konsehal hanggang Kagawad ng Barangay para masegurong masusungkit nito ang inaasam-asam na puwesto.

Sa naganap pa lang na halalan, pinaniniwalaang isa sa pinakamataas mamili ng boto ang ilang kandidato sa Masbate kung saan mula P50 hanggang P15,000 bawat botante ang ipinamudmod ng mga politiko rito.

Malawakan din ang vote buying sa ilang lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao kung saan mula 500 hanggang 5,000 ang presyo ng bawat botanteng sukdulang hindi talaga boboto ng ikinakampanya sa kanyang kandidato habang hindi nakakatanggap ng kwarta mula rito.

Tangna, paano pa makapipili ng huwaran at tunay na maninilbihan sa gobyerno, ang taumbayan kung may presyo na ang boto nito bago pumasok sa mga presinto?

Hindi pa naman tayo isinilang noong dekada 50-70 ngunit malinis na track record at pagalingan ng plataporma sa entablado bilang public servants ang batayan ng mga botante sa paghalal kaya naman sadyang tsampyon sa serbisyo publiko ang nailuluklok ng mga panahong ‘yun.

Maging ang Senado at ilang lokal na opisyal sa Kamaynilaan at pro­binsya ay mistulang showbiz na bunsod sa pagtangkilik ng mamamayan sa mga artistang wala namang binatbat sa larangan ng public service.

Batid ng sambayanan na karamihan sa mga politikong namumudmod ng kwarta tuwing eleksyon ay inaasahang mangungurakot na naman sa termino nito upang mabawi ang ginastos at may pondo para sa susunod na halalan.

Halos mawalan na ng boses ang mga obispo’t kaparian sa pagpapa-alala na huwag ibenta ang boto tuwing halalan subalit bulag at bingi ang taumbayan dito bunsod sa ayon sa mga ito, ngayon lang nila mapapakinabangan ang mga mandarambong na politiko.

Sa totoo lang,hindi matutuldukan ang malawakang vote buying sa bansa habang may mga ganid sa kwartang botanteng patuloy na tumatanggap sa hatag ng mga kandidato. At hindi rin mailuluklok ang tunay na magsisilbing lider sa komunidad na karamihan ay salat sa kwartang pambili ng boto.

Sa madali’t sabi,ang mga botante pa rin ang may kasalanan kung hindi karapat-dapat ang nahahal nila sa puwesto.