Publiko inalarma ni Gatchalian sa bagong phishing scam gamit text messages

Publiko inalarma ni Gatchalian sa bagong phishing scam gamit text messages

June 25, 2021 @ 2:45 PM 3 months ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – Inalarma ni Senador Win Gatchalian ang awtoridad at publiko na maging mapagbantay sa ilang panibagong pamamaraan ng panlilinlang sa konsyumer sa pamamagitan ng mobile at online transactions gamit ang text messages.

Ginawa niya ang panawagan sa Department of Trade and Industry (DTI), National Bureau of Investigation (NBI), Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Privacy Commission (NPC) matapos lumabas ang balita sa bagong paraan ng SMSishing o short message service (SMS) upang makapanloko sa pamamagitan ng text na magpadala ng pera gamit ang credit card.

Ang mga ganitong aktibidad ay muling nagpapatunay ng pangangailangan ng pagpaparehistro ng subscriber identity module (SIM) cards sa bansa, ani Gatchalian.

“Nagiging malikhain na rin ang mga scammers. Marahil dahil na rin sa mas mabilis na mga pagbabago sa teknolohiya nitong mga nakalipas na taon, nagiging makabago na rin ang pagsasagawa nila ng mga iligal na gawain.  Kailangang sumabay ang ating mga batas sa mga pagbabagong ito para matugunan ang mga hinaing ng publiko,” giit ng Vice Chairperson ng Senate Economic Affairs Committee.

Tinukoy ni Gatchalian ang napabalitang panggagaya sa official SMS account ng Lazada na nadiskubre kamakailan lamang. Sa isang online news article, inihayag ng isang muntik nang mabiktima ng mga kawatan ang naging karanasan niya matapos makatanggap ng text message na nagsasabing nanalo siya ng premyo at binigyan ng link o URL kung saan niya ito pwedeng makuha o makolekta.

Ngunit para makuha ang premyo, kailangan nyang magbigay ng isang halaga at doon na siya nakatanggap ng text na naglalaman ng one-time pin (OTP). Dito na sya nagduda at sa pagtatanong sa Lazada, nalaman nyang hindi pala ito totoo at isa lamang scam.

Gaya ng email phishing, ang mga scammers ay nagpapadala rin ng mapanlinlang na text messages at ang makakatanggap nito ay bibigyan ngnlink na kapag nabuksan ay maaaring makuha ang mga personal na impormasyon nila.

Sa paniwala ni Gatchalian, may akda ng Senate Bill No. 176 na nagpapanukala ng pagpaparehistro ng lahat ng gumagamit ng prepaid SIM cards, madaling matunton ng mga awtoridad ang mga scammers kung matutunton ang ginamit na mobile number.

“Kung gusto nating masawata ang mga ganitong klase ng iligal na gawain, simulan natin sa pag-aatas ng pagrerehistro ng mga prepaid SIM card sa bansa. Ginagawa na ito ng maraming bansa katulad ng Singapore, Malaysia, Indonesia, Brunei at iba pa at napatunayan nila na mainam itong regulasyon sa pagkakaroon ng database o registry ng may-ari ng numero,” sabi ni Gatchalian.

“Nananawagn din ako sa publiko na maging alerto at mapanuri sa ganitong klase ng mga panloloko at ireport agad sa mga awtoridad,” dagdag pa ng senador. Ernie Reyes


  •  
  •  
  •