Publiko inanyayahan makiisa sa Chinese New Year sa Binondo

Publiko inanyayahan makiisa sa Chinese New Year sa Binondo

January 19, 2023 @ 7:43 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Inanyayahan nina Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo-Nieto ang publiko na makiisa sa taunang pagdaraos ng Chinese New Year sa Binondo, na tinaguriang pinakamatandang Chinatown o Barrio Chino sa buong mundo, sa pagsalubong sa Year of the Water Rabbit.

Nauna dito, inanunsiyo ni Atty. Princess Abante, hepe ng Manila Public Information Office (MPIO), nagsimula na ang aktibidad ngayong araw ng Huwebes, Enero 19, na katatampukan ng Chinatown Food Festival na gaganapin sa Plaza Lorenzo Ruiz sa Binondo at magsisimula ng alas-10 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi na tatagal hanggang sa araw ng Linggo, Enero 22.

Sa Sabado, Enero 21, magaganap ang Chinese New Year countdown at grand fireworks display na gaganapin dakong alas-11 ng gabi.

Pahihintulutan namang manood ang publiko ng fireworks display sa kahabaan ng Jones Bridge na magsisilbi bilang viewing deck.

Sa araw mismo ng selebrasyon ng Chinese New Year sa araw ng Linggo, gaganapin ang Dragon Boat competition sa Birch Tree Plaza sa Binondo sa ganap na alas-8 ng umaga.

Dakong alas-2 ng hapon ay gaganapin ang Solidarity Parade na magsisimula sa gusali ng Post Office na matatagpuan sa dulong hilaga ng Liwasang Bonifacio sa Ermita.

Ang bantog na Huaxing Arts Group Chinese Cultural Show na kinasasabikan ng mga Chinese-Filipino community ay magaganap naman sa Plaza Lorenzo Ruiz. JAY Reyes