Manila, Philippines- Inudyukan ang publiko ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, chairman ng House good government and public accountability committee na i-report ang mga ghost barangay health stations sa kanilang mga barangay.
Hinimok ng kongresista ang publiko na puntahan ang website ng Department of Budget and Management (DBM) dahil dito naka-detalye ang nasabing proyekto.
Tugon ito ng kongresista sa pagbubunyag ni Health Secretary Francisco Duque na malawak at malaki ang anomalya sa may konstruksyon ng 5,700 barangay health stations na pinondohan ng P8.1 bilyon ng administrasyosng Aquino.
Naunang hiniling ni Duque sa Commission on Audit at sa Ombudsman na siyasatin ang proyekto dahil ang nakasalalay dito ang buwis ng taumbayan at ang pasilidad na ito ay inilalaan para sa mga mahihirap na Pilipino na hindi kayang komunsulta man lamang sa mga doktor at hindi agad makapagpagamot sa ospital dahil sa kawalan ng sapat na kita.
Karamihan aniya sa pasilidad na ito ay dapat lagyan ng paanakan upang mabawasan ang bilang mga buntis o bagong panganak na nasasawi sa panahon ng panganganak kabilang na ang kanilang mga sanggol.
Batay sa proyekto, ang Department of Health ay dapat gugugol ng panibagong P2.89 bilyon sa taong ito para sa proyektong ito sa buong bansa.
Ang pondo aniya ay nakapaloob na sa Health Facilities Enhancement Program sa General Appropriations Act ng 2018 kung saan ang P2.89 bilyon ay para sa pagtatayo ng may 1,292 bagong mga barangay health stations na ang isa ay nagkakahalaga ng P1.56 milyon.
Ang balanse aniyang P868.68 milyon ay para sa pagkumpleto ng may 927 stations na ang bawat isa ay nagkakahalaga ng P937,000. (meliza maluntag)