Publiko pinag-iingat ng BI vs scam na trabaho

Publiko pinag-iingat ng BI vs scam na trabaho

January 23, 2022 @ 4:19 PM 8 months ago


MANILA, Philippines – Nagbabala ang pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) sa publiko na mag-ingat sa mga “scammers” sa social media partikular na sa Facebook na nagpapanggap bilang mga empleyado ng kanilang ahensiya.

Sa isang pahayag, sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente na ang kanyang tanggapan ay nakakuha ng mga ulat ng mga nagpapanggap na empleyado nila na nag-aalok ng tulong para sa mga overseas worker na iligal na umalis patungong Japan at Middle East.

“In one report, the scammers used the social media photos of one of our alien control officers to create a fake account and offer his services in several Facebook groups online,” ani Morente.

Aniya, nasa kabuuang P670,000 ang natangay umano ng scammer mula sa ilan nilang nabiktima.

Hinikayat ni Morente ang mga biktima na agad na iulat ang anumang pagtatangkang scam sa mga lokal na awtoridad na nagpapatupad ng batas.

“Do not transact with these scammers who use the name of the bureau for their illegal activities,” ani Morente.

“We do not condone such, and advice the public to report any attempts to local authorities as this is a type of scamming and cybercrime,” dagdag pa nito.

Samantala, sinagot ni Morente ang isang viral Tiktok video na naghihikayat sa mga Pilipinong gustong magturo sa Thailand na magsinungaling sa mga opisyal ng imigrasyon upang makapagtrabaho sa ibang bansa nang walang kinakailangang dokumentasyon.

“The laws are in place for your protection,” giit ni Morente.

“Circumventing the law only puts you in danger, increasing your vulnerability to exploitation abroad,” babala ng opisyal.

Sinabi ni Morente na ang mga nais maging overseas Filipino worker ay kinakailangang kumuha ng mga kinakailangang permit mula sa Philippine Overseas Employment Administration, na kanilang ipapakita sa pag-alis. JAY Reyes