PUBLIKO PINAG-IINGAT NG BSP SA MGA PEKENG PERA MULA SA ATM

PUBLIKO PINAG-IINGAT NG BSP SA MGA PEKENG PERA MULA SA ATM

January 28, 2022 @ 12:21 AM 8 months ago


PINAYUHAN ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang publiko na suriing mabuti ang pera na nagmumula sa mga automated teller machine ng mga bangko dahil sa tumataas na bilang ng naiuulat na pagkakaroon ng pekeng pera.

Ayon sa BSP, kaya dapat ugaliin ang “feel, look, tilt” sa perang papel na nakukuha sa ATM. Kung kahina-hinala ang pera, kaagad itong ipaalam sa bangko kung saan nag-withdraw.

 

Batay sa regulasyon, kaagad na susurin ng bangko kung counterfeit nga ang pera at kung peke nga ito, papalitan kaagad ito ng bangko at magsasagawa ng imbestigasyon sa ATM.

 

Mula January 2021 hanggang September 2021 ayon sa BSP ay nakakuha na sila ng mahigit limang daan bank notes na kabuuang halaga na P480,000.00.

Pero sabi ng BSP, nakahuli rin ang kanilang enforcement agency ng labing-anim na suspek kung saan ang labing-apat ay kabilang sa isang sindikato.

 

Ginagawa naman ng mga bangko ang lahat ng pag-iingat at pamamaraan kaugnay sa pekeng pera katulad ng paglalagay ng mahigpit na surveillance camera sa ATM area, at patuloy na pagsasanay ng mga bank personnel sa pagsuri ng pekeng pera.

Pero kung minsan ay nalulusutan pa rin ng mga sindikato.

 

Sa ilalim ng Republic Act No. 10951, ang mahuhuling namemeke ng salapi ng bansa ay mahaharap sa pagkakulong ng labingdalawang taon at multang hindi lalagpas sa dalawang million piso (P2 million).

 

Sa totoo lang, ako ay nagtataka sa BSP! Ang mga empleyado ng bangko ang naglalagay ng pera sa loob ng ATM machine, papaano nagkakaroon ng pekeng pera?

Kung ang sasabihin nila na ang ATM machine ay ang third party ang naglalagay ng pera, saan galing ang pera?

Hindi ba ang problema nasa bangko pa rin nagsimula?

Dapat sila imbestigahan ng BSP. Bakit ang mga depositor ang binibigyan ninyo ng problema na mag “feel, look, tilt”?  

Mahirap makipag argue sa bangko na galing sa ATM machine ang pekeng pera.