Puerto Galera, posibleng abutin ng oil spill – UP marine science educator

Puerto Galera, posibleng abutin ng oil spill – UP marine science educator

March 19, 2023 @ 2:57 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Posibleng umabot sa pamosong tourist destination na Puerto Galera ang oil slick mula sa lumubog na motor tanker sa Naujan, Oriental Mindoro.

Ito ang sinabi ni University of the Philippines Marine Science Institute (UP-MSI) associate professor Dr. Irene Rodriguez, kung saan ipinaliwanag niya na sa kanilang pinakahuling pagtaya, ang water current at galaw ng hangin ay patungo sa Verde Island passage, at pahilaga.

“Based on projections, ang oil slick ay posibleng madala towards the north. So, pa-hilaga ang direksyon ng oil slick at ito ay maaaring makaapekto sa munisipalidad o coastal environments ng Calapan, Puerto Galera, at areas sa Batangas,” sinabi ni Rodriguez sa panayam ng DZBB nitong Linggo, Marso 19.

Matatandaang kinumpirma ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor na ang oil spill ay nakarating na rin sa Calapan City, na malapit na halos sa Puerto Galera.

Kasunod nito, nilinaw naman ni Mayor Rocky Ilagan ng nasabing bayan na hindi pa nakakaabot sa Puerto Galera ang oil slick at hindi pa apektado ang pangingisda sa lugar.

Ayon sa Department of Tourism, mayroon nang 61 tourist sites sa probinsya ang naapektuhan ng oil spill mula sa lumubog na MT Princess Empress noong Pebrero 28 na may kargang 900,000 litro ng industrial fuel oil.

“Certain volume lang, hindi ‘yung kalahatan. Maghihiwalay ka lang ilang volumes, 20,000 to 30,000 liters, mula sa major oil slick. Kapag nadala na sa mas kalmadong lugar ng dagat, saka siya sisindihan…and then repeat again the process,” suhestyon naman ni Rodriguez.

Sinang-ayunan niya rin ang panukalang pagbawalan ang mga malalaking barko na dumaan sa Verde Islands, lalo pa’t ikinukunsidera ang lugar na marine biodiversity. RNT/JGC