Pugang kano na may 34 kaso vs child porno, arestado

Pugang kano na may 34 kaso vs child porno, arestado

January 20, 2022 @ 8:55 AM 7 months ago


MANILA, Philippines – Inaresto ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang isang puganteng American national na wanted sa kanyang sariling bayan dahil sa child pornography nitong Martes sa Cagayan de Oro.

Kinilala ni BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan, Jr. ang pugante na si Gregory Evans Nelson, 68, na naaresto sa Brgy. Balulang, Cagayan de Oro City.

Ayon kay Manahan, isang manhunt ang isinagawa ng Regional Intelligence Operations Unit (RIOU) 10 ng BI matapos makatanggap ng mga ulat mula sa mga awtoridad ng US na ang nasabing dayuhan ay nahaharap sa tatlumpu’t apat na warrant of arrest sa Estados Unidos para sa mga kasong may kaugnayan sa possession at distribusyon ng child pornography.

Batay sa rekord, wala na umanong valid passport si Nelson, matapos itong bawiin ng US government.

Pinuri naman ni BI Commissioner Jaime Morente ang pagsisikap ng BI-RIOU 10 sa pag-aresto sa nasbaing pugante.

“This is one of our priority cases, since there is information that he is aware of the warrants against him, and he may attempt to hide to evade his arrest,” ani Morente.

“The presence of such criminals poses a risk to our country’s women and children, hence he should immediately be deported and banned from returning,” dagdag pa ng opisyal.

Ang naarestong dayuhan ay pansamantalang nakakulong sa detention facility ng BI sa Davao City habang naghihintay ang transportasyon nito patungong Warden Facility ng nasabing ahensiya sa Camp Bagong Diwa, Taguig. JAY Reyes