Puganteng Amerikano arestado ng BI!

Puganteng Amerikano arestado ng BI!

August 16, 2022 @ 6:10 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Naaresto ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang isang puganteng Amerikano na wanted sa kanilang bansa dahil sa pangmomolestiya sa mga menor-de-edad sa isinagawang operasyon sa Las Piñas City.

Kinilala ni BI OIC Commissioner Rogelio D. Gevero, Jr. ang pugante na si Tye Braxton Stiger, 35, na inaresto ng mga operatiba mula sa fugitive search unit (FSU) ng BI sa Diego Cera Avenue, Last Pinas City noong Sabado.

Ang pag-aresto ay alinsunod sa isang Mission Order na inilabas ng BI, na nag-uutos sa FSU na arestuhin ang nasabing dayuhan, makaraang makatanggap ng impormasyon mula sa mga awtoridad ng US tungkol sa kanyang mga krimen.

Batay sa rekord, si Tye ay may kinakaharap na warrant of arrest na inisyu ng Lungsod ng Jonesville, Hillsdale County, Michigan noong Hulyo ngayong taon para sa 35 na bilang ng child pornography-related charges na lumalabag sa Michigan Compiled Laws.

Sinasabing siya ay nagboluntaryo bilang isang guro sa Sunday school sa mga komunidad ng simbahan sa estado ng Michigan, kung saan siya ay di-umano’y nambiktima ng mga menor de edad sa loob ng anim na taon.

“He was reportedly charged with multiple counts of sexually abusive activity and possession of child sexually abusive material, among other offenses against his victims,” saad ng BI.

“Arresting these criminals has always been a priority of our agency, and getting another predator off our streets means we are protecting our kababayan from harm,” dagdag pa ng BI.

Ang BI, kasama ang Kagawaran ng Hustisya, ay nagpahayag ng kanilang pangako na unahin ang pagpapatapon ng mga alien sex offenders. JAY Reyes