Puganteng Japanese national, tiklo sa BI

Puganteng Japanese national, tiklo sa BI

January 12, 2023 @ 7:20 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang babaeng Japanese national na matagal nang pinaghahanap ng mga awtoridad sa Tokyo dahil sa pagkakasangkot sa pagnanakaw at financial fraud.

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang dayuhan na si Risa Yamada, 26, na naaresto sa Roxas Blvd. sa Pasay City ng mga operatiba ng fugitive search unit (FSU) ng BI.

Si Tansingco ay nag-isyu ng mission order upang arestuhin si Yamada dahil na rin sa kahilingan ng Japanese authorities sa Maynila upang hingin ang kanyang deportasyon sa Japan upang managot sa kanyang ginawa.

“She will be deported after our board of commissioners issues the order for her summary deportation. She will then be deported and perpetually banned from re-entering the country for being an undesirable alien,” ayon kat Tansingco.

Sinabi ni BI-FSU Chief Rendel Sy na ang pangalan ni Yamada ay kabilang sa arrest warrant na inisyuhan ng Tokyo Summary Court kung saan nakasuhan siya ng pagnanakaw.

Batay sa ulat, si Yamada ay nakipagsabwatan sa pagnanakaw ng ATM cards sa kanilang mga biktima kung saan nagpanggap na mga empleyado ng gobyerno at mga awtoridad.

Bukod pa dito, si Yamada ay isa nang undocumented kung saan siya ay inaresto matapos na kanselahin ng Japanese government ang kanyang pasaporte.

Si Yamada ay kasalukuyang nakakulong sa BI Warden Facility sa Camp Baging Diwa sa Taguig City habang hinihintay ang kanyang deportasyon. JAY Reyes