Pugot na ulo ng HK model, sinabawan

Pugot na ulo ng HK model, sinabawan

February 27, 2023 @ 3:10 PM 4 weeks ago


HONG KONG – Natagpuan na ng pulisya ang nawawalang ulo ng sikat na model at influencer sa Hong Kong na si Abby Choi sa isa sa dalawang kaldero na naglalaman ng sabaw at iba pang bahagi ng katawan nito.

Samantala, naaresto na rin ang isa pa sa mga suspek na sangkot sa pagpatay at pantatadtad sa katawan ng biktima.

Dahil dito ay umakyat na sa lima ang suspek sa naturang kaso.

Sa news briefing nitong Linggo ng gabi, Pebrero 26, kinumpirma ng pulisya na natagpuan nila ang ulo at ribs ni Choi sa loob ng malaking kaldero sa isang bahay sa Tai Po district kung saan pinaniniwalaan na dito rin siya kinatay.

Sa kabila nito, isasailalim pa rin sa DNA test ang nakuhang ulo at ribs para makumpirma na kay Choi talaga ito.

Ang natagpuang dalawang kaldero ay puno ng sabaw na may mga karne at pinaniniwalaang laman-loob ng tao.

Dinala na sa mortuary ang nakuhang mga kaldero at isasailalim sa eksaminasyon ng forensic experts ang mga ito.

Nagpapatuloy pa ang paghahanap sa iba pang bahagi ng katawan ng biktima katulad na lamang ng kamay nito.

Samantala, napaulat na nawala si Choi noong Martes, Pebrero 21 at huli umanong nakita sa Tai Po district, lugar kung saan din natagpuan ang bahagi ng kanyang mga katawan.

Nagpapatuloy na ang imbestigasyon sa motibo ng pagpatay sa modelo at inaalam pa kung may mga iba pang sangkot sa karumal-dumal na pagpatay dito. RNT/JGC