Pulis, 11 sabungero arestado

Pulis, 11 sabungero arestado

January 31, 2022 @ 10:32 AM 8 months ago


LILOAN, CEBU- Nadakit ang 12 sabungero kabilang ang isang pulis sa ginawang operasyon ng mga awtoridad sa illegal na tupadahan, kahapon ng hapon sa lungsod na ito.

Kinilala ang nadakip na pulis na si Police Staff Sgt. Jun Ernie Lucero Camero, 34, nakatalaga sa Provincial Plans and Program Units – Cebu Police Provincial Office (PPPU-CPPO) at residente ng Sitio Tabunok sa Barangay Cabadiangan, Liloan City.

Ayon kay Police Major Ramil Morpos, hepe ng Liloan Police Station, dakong 5:00 PM nadakip ang mga suspek sa Purok Dragon Fruit, Sitio Ka Santos, Barangay Cabadiangan,ng nasabing lungsod.

Sinabi ng pulisya, nakatanggap sila ng report hinggil sa tupada o illegal na sabong sa nasabing lugar at pinangungunahan pa umano ito ni Camero.

Sa pagresponde ng mga otoridad huli akto ang mga suspek at agad silang pinosasan saka dinala sa himpilan ng pulisya at nahaharap sa paglabag sa illegal gambling.

Nakuha sa lugar ang manok, tari, 2 bihag na manok, 2 panabong, at P1,500.00 na pusta.

Sa himpilan ng pulisya, humingi ng pasensya si Camero at sinabing libangan lamang niya ang sabong at dahil piyesta rin sa kanilang lugar./Mary Anne Sapico