Pulis, 2 pa timbog sa pagpuslit ng narra

Pulis, 2 pa timbog sa pagpuslit ng narra

July 14, 2021 @ 9:00 AM 1 year ago


ISABELA – Sa kulungan ang bagsak ng isang pulis at dalawa nitong tauhan matapos mahuli sa pagpupuslit ng illegal na pinutol na kahoy na narra sa isang checkpoint sa National Highway Barangay District 3, San Manuel dito sa nabanggit na lalawigan.

Kinilala ni PMaj. Jose Torrijos, hepe ng San Manuel Police Station ang mga suspek na sina Domingo Fernandez, 44-anyos, may-asawa, driver at residente ng Barangay Kalsem, Aguilar, Pangasinan; Vic Natar, 46-anyos, may-asawa at residente ng Barangay Buaya, Balbalan, Tabuk City, Kalinga; at PSSgt. Clifford Tega, may-asawa at residente ng Purok 3, Bulanao, Tabuk City, Kalinga na kasalukuyan nakadistino sa 1st PMFC sa Pampanga.

Ayon kay PMaj. Torrijos, habang nagsasagawa sila ng random checkpoint sa kanilang area of responsability ay pinahinto nila ang sinasakyang close van ng mga suspek at nang biripekahin kung ano ang laman ng nasabing trak ay dito na tumambad sa kanila ang mga tablon ng narra na napatungan pa ng sako-sakong ipa ang kanilang karga.

Nang hingan mga otoridad kung may mga dokumento ang kanilang mga kargamento ay walang maipakita ang mga suspek.

Sinubukan pa umanong suhulan ng P30, 000 ni PSSgt. Tega ang mga humuli sa kanya ngunit hindi nagpasilaw ang mga ito sa kinang ng pera.

Narekober ang mga tablon ng narra na umaabot sa 600 board feet kabilang ang sinusuhol na pera pati ang naturang sasakyan kabilang ang dalawang baril at mga bala na na-isyu kay PSSgt. Tega.

Napag-alaman na hindi lang ito ang unang pagkakataon na nagpupuslit ng illegal na pinutol na kahoy si PSSgt Tega na kanyang iniiskurtan na kinukuha umano sa probinsya ng Kalinga at binibiyahe sa kalakhang Maynila.

Ang naturang operasyon ay bilang pagtugon sa maigting na direktiba sa kampanya sa illegal logging ni PVol. James Melad Cipriano, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO.

Nahaharap sa kasong paglabag sa PD 705 at bribery ang tatlong suspek na pansamantala nasa kostudiya ng pulisya. Rey Velasco